Sangguniang Panlalawigan ng Laguna Pinahintulutan si Gov. Sol Aragones na Makipagnegosasyon para sa Hihiraming Pondo ng Laguna Mega Clinic

Sangguniang Panlalawigan ng Laguna Pinahintulutan si Gov. Sol Aragones na Makipagnegosasyon para sa Hihiraming Pondo ng Laguna Mega Clinic

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna sa isinagawang Special Session noong Hunyo 18 ang isang resolusyon na nagbibigay ng kapangyarihan kay Gobernador Sol Aragones na katawanin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pakikipagnegosasyon sa Land Bank of the Philippines kaugnay ng iminungkahing ₱950-milyong pautang para sa itatayong Laguna Mega Clinic.
Nilinaw ng pamahalaang panlalawigan na ang inaprubahang resolusyon ay hindi paglalaan o pagpapalabas ng ₱950 milyon. Sa halip, ito ay nagbibigay lamang ng awtoridad sa gobernador upang simulan ang pakikipag-usap at pagtalakay sa mga kondisyon at kasunduan ng posibleng pautang na gagamitin para sa proyekto.

Batay sa panukala, ang pondo mula sa pautang ay ilalaan sa pagtatayo at pagpapaunlad ng Laguna Mega Clinic. Tinatayang ₱650 milyon ang gagamitin para sa konstruksyon at pagpapaunlad ng pasilidad, habang ₱300 milyon naman ang nakalaan para sa makabagong kagamitang medikal, mga diagnostic technology, at isang integrated digital healthcare system.
Sa ginanap na sesyon, tinalakay ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang istruktura ng pananalapi, kakayahang maisakatuparan, at pangmatagalang pagpapanatili ng proyekto. 
Bumoto laban sa resolusyon sina Board Members Karla Monica Adjar-Lajara at Lorenzo Zuñiga Jr., na nagpahayag ng pangamba hinggil sa pangungutang ng pamahalaan. Gayunman, nakakuha ng sapat na suporta mula sa mayorya ng mga miyembro ng lupon ang resolusyon upang maipagpatuloy ang proseso ng negosasyon.

Bumoto pabor sa resolusyon sina Board Members Arnel Gomez, Raffy Campos, Jam Agarao, Bong Bejasa, Bernadeth Olivares, Ninoy Bagnes, Tutti Caringal, Jigcy Pecaña, Angelica Jones-Alarva, Dyan Espiridion, at Bhenj Stephen Felismino.