NAGKAISA PARA SA KAPAYAPAAN: Pinalalakas ng Laguna ang Seguridad at Pakikilahok ng Kabataan sa 2nd Quarter PPOC–PTF-ELCAC Meeting
LAGUNA- Nagtipon ang mga kinatawan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, mga yunit ng kapulisan at militar, at mga katuwang na organisasyon sa Conference Room ng Laguna Capitol Compound noong Hunyo 22 para sa 2nd Quarter Joint Peace and Order Council (PPOC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) Meeting, bilang pagpapatibay ng kanilang sama-samang adhikain na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at napapanatiling kaunlaran sa buong lalawigan ng Laguna.
Dumalo sa pulong si Gobernadora Sol Aragones at binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pananagutan ng bawat sektor sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Inihayag din niya ang planong paglulunsad ng programang Laguna Youth Patrollers, na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na maging aktibong katuwang sa pagpapaunlad ng komunidad at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.
“Ang good news ko po sa inyo, pati ang AFP, ang citizens dapat may ambag din hindi lang sa peace kundi pati sa order. Kaya po ilulunsad namin ang Laguna Youth Patrollers. Dapat ang mga kabataan ay may papel na gagampanan dito sa lipunan,” ani Gobernadora Aragones.
Tinalakay sa pulong ang kahalagahan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan upang mas epektibong matugunan ang mga usapin hinggil sa kapayapaan at seguridad sa buong Laguna. Nagbigay ng ulat ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang katuwang na ahensya tungkol sa mga operasyon laban sa ilegal na droga, mga hakbang sa kaligtasan laban sa sunog, mga programang pangkomunidad, at ang kasalukuyang kalagayan ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) Program sa lalawigan.
Binigyang-pansin din ng Gobernadora ang pangangailangang mapabuti ang sistema ng pamamahala sa trapiko sa loob ng Capitol Complex bilang modelo na maaaring tularan ng mga lokal na pamahalaan sa buong Laguna.
“Ayusin po natin ang traffic dito sa Kapitolyo. Latagan muna natin ng maayos na sistema bago natin i-share naman ito sa iba't ibang munisipyo at siyudad,” dagdag niya.
Inaprubahan din ng konseho ang ilang mahahalagang resolusyon, kabilang ang pagtatatag ng Investment Protection Cluster (IPC) at ang pagpapalakas ng koordinasyon at pagtugon ng iba't ibang ahensya sa mga insidente ng bushfire at grassfire sa lalawigan.
Nagtapos ang pagpupulong sa muling pagpapatibay ng pangako ng mga miyembro ng konseho na magtulungan para sa pagsusulong ng kapayapaan, kaligtasan ng mamamayan, at tuluy-tuloy na kaunlaran sa buong Lalawigan ng Laguna.
BALITA NGAYON ON-LINE NEWS