"LIGA NG MGA BARANGAY (PAGSANJAN CHAPTER) BUONG PUSONG NAGPAHAYAG NG SUPORTA AT PAKIKIISA SA PANUNUNGKULAN NI PAGSANJAN MAYOR JANUARIO FERRY G. GARCIA"

"LIGA NG MGA BARANGAY (PAGSANJAN CHAPTER) BUONG PUSONG NAGPAHAYAG NG SUPORTA AT PAKIKIISA SA PANUNUNGKULAN NI PAGSANJAN MAYOR JANUARIO FERRY G. GARCIA"

PAGSANJAN, LAGUNA --Buong pagkakaisang pinagtibay ng Labing anim na Miyembro ng Liga ng mga Barangay (Pagsanjan Chapter) ang Kapasiyahan Blg. 01-2026 sa ginanap na di pangkaraniwang pulong noong Enero 29, 2026, alas-2:00 ng hapon sa Tanggapan ng Liga ng mga Barangay sa Barangay Poblacion Uno, Pagsanjan, Laguna. Layunin ng kapasiyahan na ipahayag ang buong pusong pagsuporta at pakikiisa ng lahat ng punong barangay sa panunungkulan ni Januario Ferry G. Garcia, Punong Bayan ng Pagsanjan.

Ayon sa Liga, mula nang manungkulan si Mayor Garcia ay muling sumigla at nagkaisa ang pamahalaang lokal at mga pamahalaang barangay—inihalal man o hinirang—na nagbunga ng mas maayos na koordinasyon, patas na implementasyon ng mga programa, at mas mabilis na paghahatid ng serbisyong panlipunan nang walang kinikilingan at pulitika.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Garcia, “Ang ipinakitang pagkakaisa ng Liga ng mga Barangay ay patunay na tama ang landas na ating tinatahak. Ang bukas na komunikasyon at tapat na pagtutulungan ng Pamahalaang Bayan at mga barangay ang susi upang mas mapabilis ang serbisyo at matiyak na ramdam ng bawat Pagsanjanense ang maayos na pamamahala.”

Dagdag pa ng alkalde, “Pinahahalagahan ko ang tiwalang ibinibigay ng mga punong barangay. Ipagpapatuloy natin ang pamumunong walang pinipili, nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, at nakaugat sa pagkakaisa upang makamit ang ligtas, balanse, at maunlad na pamayanan.”

Samantala, sinabi ni kgg. Noogine A. Pabilonia, Pangulo ng Liga ng mga Barangay (Pagsanjan Chapter), “Ang Kapasiyahan Blg. 01-2026 ay nagmula sa nagkakaisang tinig ng lahat ng punong barangay ng Pagsanjan. Buong puso naming sinusuportahan si Mayor Garcia dahil malinaw ang kanyang direksiyon ng pamamahala—makatao, makatarungan, at nakatuon sa tunay na serbisyo para sa mamamayan.”

Pinagtibay ang Kapasiyahan Blg. 01-2026 noong Enero 29, 2026 at ipinaalam na padadalhan ng sipi ang Tanggapan ng Punong Bayan at ang Sangguniang Bayan ng Pagsanjan. Pinagtitibay ng hakbang na ito ang patuloy na pagtutulungan ng Pamahalaang Bayan at mga Pamahalaang Barangay tungo sa mas episyente at inklusibong pamamahala para sa bayan ng Pagsanjan, Laguna.