PAGSANJAN 1ST PLACE SA BURDANG LUMBAN FASHION SHOW DESIGNER COMPETITION SA ANILAG LEVEL UP 2026 KASABAY NG MAYOR'S FILIPINIANA GRAND FASHION SHOW
PAGSANJAN, LAGUNA — Isang karangalang muli ang iniuwi ng Pagsanjan ng Laguna matapos tanghaling 1st Place si Ann Melygin Villamayor-Cristobal ng Frannie Wei Haute Couture sa ginanap na Fashion Designer’s Competition ng Anilag Festival Level Up 2026.March 19,2026
Si Villamayor-Cristobal, na nagmula sa bayan ng Pagsanjan, Laguna, ay kinilala dahil sa kanyang pambihirang talento at malikhaing disenyo na tunay na sumasalamin sa sining at kultura ng lalawigan. Ang kanyang tagumpay ay patunay ng husay ng mga lokal na fashion designer na patuloy na umaangat sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Samantala, nasungkit naman ang 2nd Place ni Henry Abarino Jr. mula sa Alaminos, Laguna, habang nakuha ang 3rd Place ni Genesis Alacanta mula sa Calamba City. Ipinamalas ng mga kalahok ang kani-kanilang natatanging estilo at kahusayan na lalong nagbigay sigla at prestihiyo sa naturang patimpalak.
Sa mensahe ni Pagsanjan Mayor Januario “Ferry” Garcia, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsuporta sa mga lokal na talento. Ayon sa kanya, “Ang tagumpay ng ating mga kababayan ay tagumpay ng buong Pagsanjan.
Patuloy nating susuportahan ang mga programang nagbibigay oportunidad sa ating mga artista at manlilikha upang maipakita ang kanilang galing at maitaguyod ang ating kultura.”
Dagdag pa ng alkalde, “Ipinagmamalaki natin si Ann Melygin Villamayor-Cristobal at ang lahat ng kalahok na nagbigay dangal sa ating lalawigan. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa kabataan na ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap at talento.”
Lubos ding pinasalamatan ang pamunuan ng lalawigan sa pangunguna ni Governor Sol Aragones sa patuloy na pagsusulong ng mga programang gaya ng Anilag Festival, na nagsisilbing mahalagang plataporma upang maipakita ang talento ng mga lokal na artista at manlilikha. Sa pamamagitan ng ganitong inisyatibo, nabibigyan ng oportunidad ang mga Lagunense na makilala hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa pambansang entablado.
Kasabay nito, ginanap din ang Mayora’s Filipiniana grand fashion show, kung saan rumampa sa kanilang makukulay at eleganteng kasuotan sina Pagsanjan Mayora Aesa Marie Umali Paguio Garcia at Mayor Januario “Ferry” Garcia, na lalo pang nagbigay kulay at sigla sa selebrasyon ng Anilag Festival kabilang din ang iba pang Mayoras at Mayor ang nagpakita ng kanilang makukulaw na gown na kasuotan.
Ayon sa mga tagasuporta, ang tagumpay ni Villamayor-Cristobal ay bunga ng kanyang sipag, dedikasyon, at natatanging pananaw sa disenyo. Higit pa rito, nagsisilbi siyang inspirasyon sa mga kabataang nangangarap na makapasok at magtagumpay sa larangan ng sining at moda.
Sa kabuuan, ipinagmamalaki ng buong Lalawigan ng Laguna ang tagumpay ng mga lokal na designer na patuloy na nagbibigay dangal sa kanilang bayan. Patunay ito na ang talento ng mga Lagunense ay tunay na world-class at karapat-dapat kilalanin.