Walang Sapilitan o Ilegal na Pagpasok sa Tanggapan ng Punongbayan – Mayor Garcia


Walang Sapilitan o Ilegal na Pagpasok sa Tanggapan ng Punongbayan – Mayor Garcia

PAGSANJAN, Laguna — Nilinaw ng Pamahalaang Bayan ng Pagsanjan na walang naganap na sapilitan o ilegal na pagpasok sa Tanggapan ng Punongbayan kaugnay ng opisyal na pagbubukas nito noong ika-9 ng Enero 2026, taliwas sa mga kumakalat na maling impormasyon sa publiko.

Sa isang opisyal na pahayag, ipinaliwanag ni Januario Ferry G. Garcia, Punongbayan ng Pagsanjan, na ang naturang aktibidad ay isinagawa nang may maayos na koordinasyon, paggalang, at alinsunod sa umiiral na mga batas at proseso ng pamahalaan.

Ayon kay Mayor Garcia, noong ika-7 ng Enero 2026 ay nagpadala ang pamahalaang bayan ng pormal na liham sa dating Punongbayan sa pamamagitan ng kanyang kinatawan upang ipabatid ang nakatakdang pagbubukas ng tanggapan. Binigyan din ng sipi ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), General Services Office (GSO), at Engineering Office upang magsilbing saksi sa aktibidad.

Bilang tugon, nagpadala ang panig ng dating Punongbayan ng kanilang mga awtorisadong kinatawan upang kunin ang mga personal na kagamitan mula sa opisina.

Ipinaliwanag din ng alkalde na ang kanyang panunungkulan ay may malinaw na legal na basehan. Alinsunod sa Section 44 ng Local Government Code, nanumpa siya bilang Punongbayan noong Nobyembre 30, 2025 bunsod ng permanent vacancy sa posisyon matapos ang pinal at executory na desisyon ng Supreme Court, na ibinaba sa Sandiganbayan.

Tungkol naman sa isyu ng susi at pagbubukas ng pinto, sinabi ni Mayor Garcia na ang Enero 9 na pangyayari ay ikalawang beses nang naghakot ng mga gamit ang panig ng dating Mayor. Sa unang pagkakataon noong huling bahagi ng Disyembre 2025, nabuksan umano ang opisina gamit ang susi nang walang koordinasyon. Sa ikalawang pagkakataon, dumating ang kanilang mga tauhan at trak ngunit walang dalang susi, dahilan upang buksan ang pinto nang hindi gumagamit ng susi upang hindi maantala ang nakatakdang turnover.

Ang buong proseso ay isinagawa sa presensya ng mga opisyal mula sa PNP, GSO, at Engineering Office, at maayos umanong inihiwalay ang mga personal na kagamitan ng dating Punongbayan, bagay na may dokumentasyon sa video.

Dagdag pa ni Mayor Garcia, bilang pagbibigay-galang, pansamantalang nag-opisina ang kanyang administrasyon sa conference room sa loob ng mahigit isang buwan upang bigyang-daan ang maayos na turnover. 

Gayunman, nagkaroon umano ng mga insidente noong Disyembre 2025 kung saan ilang kawani ng munisipyo ang pinalabas ng tauhan ng dating Punongbayan at kalaunan ay isinara ang tanggapan at kinuha ang susi.
Binigyang-diin ng Punongbayan na ang munisipyo ay pag-aari ng bayan at hindi ng sinumang indibidwal, at walang sinuman ang may karapatang ikandado ang isang pampublikong pasilidad na dapat ay nagsisilbi sa mamamayan.

Nanawagan si Mayor Garcia sa mga Pagsanjeño na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa espekulasyon. Tiniyak niya na ang kanyang administrasyon, katuwang ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Rod H. Fernandez, ang mga pinuno ng departamento, at mga kawani ng pamahalaan, ay patuloy na maglilingkod nang may dignidad at pagkakaisa para sa kaunlaran ng bayan.