ISANG HUKOM NG RTC SA STA. CRUZ, LAGUNA GINAWARAN NG RECOGNITION FOR SOCIO-CIVIC ENGAGEMENT NG PHILIPPINE WOMEN JUDGES ASSOCIATION

ISANG HUKOM NG RTC SA STA. CRUZ, LAGUNA GINAWARAN NG RECOGNITION FOR SOCIO-CIVIC ENGAGEMENT NG PHILIPPINE WOMEN JUDGES ASSOCIATION

Laguna --Ginawaran ng Recognition for Socio-Civic Engagement ng Philippine Women Judges Association (PWJA) si Judge Mary Jean T. Cajandab-Ong, hukom ng Regional Trial Court (RTC) Branch 26, Sta. Cruz, Laguna, bilang pagkilala sa kanyang patuloy na malasakit at pagtulong sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong.

Ayon sa tala ng organisasyon, kinilala si Judge Cajandab-Ong dahil sa kanyang tuluy-tuloy na suporta sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at Children in Conflict with the Law (CICL) na naninirahan sa iba't ibang institusyon. Kabilang sa kanyang mga inisyatibo ang pagbibigay ng pagkain, personal hygiene kits, mga serbisyo, at computer equipment na nakatutulong sa kanilang rehabilitasyon at pag-unlad.

Malaki rin ang naging papel ng hukom sa pagtulong sa mga PDLs sa Laguna Provincial Jail, kung saan madalas umano siyang magpadala ng mga bitamina tulad ng Vitamin C at iba pang mahahalagang kagamitan. Sa pakikipagtulungan kay Laguna Provincial Jail Warden Miguel Ravena, nakatulong din siya sa pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan para sa mga PDLs upang magkaroon sila ng pagkakataong makapagsimula muli sa kanilang buhay.

Sa pahayag ni Laguna Provincial Jail Warden Miguel Ravena, kanyang pinasalamatan ang patuloy na suporta ni Judge Cajandab-Ong sa mga PDLs. “Malaki po ang naitutulong ni Judge Mary Jean T. Cajandab-Ong sa ating mga Persons Deprived of Liberty. Hindi lamang po siya nagbibigay ng tulong tulad ng bitamina, pagkain at iba pang pangangailangan, kundi nagbibigay din siya ng pag-asa sa mga PDLs na maaari pa silang magbago at magkaroon ng bagong simula sa kanilang buhay,” ayon kay Ravena.

Bukod sa mga programang ito, kinilala rin ang kontribusyon ni Judge Cajandab-Ong sa mga disaster response at relief operations noong panahon ng pandemya, kung saan naglaan siya ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan. Pinalawak din niya ang kanyang adbokasiya sa pagtulong sa mga nakatatanda at sa pangangalaga ng kalikasan, na nagpapakita ng mas malawak na paglilingkod sa lipunan.

Sa pahayag naman ni Judge Mary Jean T. Cajandab-Ong , sinabi niya: “Service to the community is part of the duty of every public servant. As judges, our role does not end inside the courtroom. We must also extend compassion and assistance to those who need it the most.” Binigyang-diin din niya na ang rehabilitasyon at pagbibigay ng pagkakataon sa mga PDLs ay mahalagang bahagi ng tunay na hustisya.

Iginawad ang nasabing parangal noong Marso 4, 2026 sa The Ruins, Talisay City, bilang pagkilala sa kanyang patuloy na pagsasabuhay ng malasakit at paglilingkod sa komunidad. Ayon sa Philippine Women Judges Association, ang kanyang mga gawain ay patunay na ang tungkulin ng isang hukom na may kasamang kabutihang-loob at malasakit ay tunay na umaabot “Beyond the Robe.”
(Ulat ni Roy Tomandao)