CALAX SUB 1 & 2, TARGET NA BUKSAN SA DISYEMBRE NG BAGONG EXPRESSWAY CONNECTION; INAASAHANG MAGPAPABILIS SA BIYAHE AT MAGBUBUKAS NG MAS MARAMING OPORTUNIDAD SA NEGOSYO
LAGUNA, PILIPINAS — Target ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) na buksan sa publiko sa Disyembre 2026 ang bagong expressway connection nito, kasabay ng patuloy na pagsasagawa ng mga kinakailangang konstruksyon at paghahanda sa operasyon.
Inaasahang magbibigay ang bagong koneksiyon ng mas mabilis at maginhawang biyahe, magpapabawas sa oras ng paglalakbay, at magbubukas ng mas maraming oportunidad sa negosyo sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.
Tampok ang naturang proyekto sa isinagawang media tour nitong Nov.21,2026 kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mamamahayag na personal na makita ang kasalukuyang progreso ng mga bagong bahagi ng expressway at masuri ang mga imprastrukturang ginagawa.
Sa pakikipagpulong sa mga kinatawan ng media, binigyang-diin ni Mr Andrew Pangilinan Vice President for enterprise Resilience at Metro Pacific Investments corporation (MPIC) and General Manager of MPTC South CALAX under Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang kahalagahan ng Laguna market na kabilang sa mga pangunahing target market ng kumpanya.
Ayon kay Pangilinan, patuloy ang kanilang paghahanda upang matupad ang target na pagbubukas ng bagong expressway connection sa Disyembre.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng suporta ng mga stakeholder at pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa publiko upang lubos na mapakinabangan ng mga motorista ang bagong koneksiyon.
Inaasahang magbibigay ito ng mas maraming alternatibong ruta sa mga motorista, partikular sa mga bumibiyahe sa pagitan ng Cavite at Laguna at sa mga patungo sa mahahalagang destinasyon sa Metro Manila gaya ng Maynila, Pasay at Quezon City.
MGA BAGONG EXPRESSWAY SECTION, INAASAHANG MAGPAPAIKLI SA ORAS NG BIYAHE
Kabilang sa mga pangunahing proyektong ipinakita sa media tour ang CALAX Subsection 1 at Subsection 2, gayundin ang CAVITEX-CALAX Link Expressway (CCLINK).
Ang CALAX Subsection 1 ay isang 2x2 toll-lane expressway na mag-uugnay sa Centennial Road sa Kawit, Cavite, hanggang Open Canal Interchange sa Imus City.
Kapag nagamit na ng publiko, inaasahang magiging walong minuto na lamang ang biyahe sa naturang ruta mula sa dating 25 minuto.
Samantala, ang CALAX Subsection 2 ay isa ring 2x2 toll-lane expressway na mag-uugnay sa Open Canal Interchange sa Imus City hanggang Governor's Drive Interchange sa General Trias City, Cavite.
Inaasahang mapaiikli nito ang oras ng biyahe sa humigit-kumulang 11 minuto mula sa dating 20 minuto.
Layunin ng dalawang expressway section na makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko sa mga pangunahing lokal na kalsada, kabilang ang Centennial Road, Carsadang Bago, NIA Road, Imus Boulevard, Open Canal Road, Arnaldo Highway, Navarro Road at Governor's Drive.
Samantala, ang CAVITEX-CALAX Link Expressway (CCLINK) ay magbibigay ng direktang koneksiyon sa pagitan ng CAVITEX at CALAX, na magpapalakas sa integrasyon ng mga expressway at magpapadali sa paglalakbay mula Metro Manila patungong Cavite.
Inaasahan ding makikinabang dito ang mga logistics operator, negosyo, manggagawa, commuters at mga komunidad dahil mas mapapadali ang pag-access sa mga pangunahing sentrong pangkomersiyo at pang-ekonomiya.
MAS MABILIS NA KONEKSIYON MULA KAWIT HANGGANG LAGUNA
Sa sandaling makumpleto ang humigit-kumulang 45 kilometrong pangunahing alignment ng CALAX, inaasahang magiging mas episyente ang paglalakbay mula Kawit, Cavite hanggang Laguna.
Tinatayang aabot na lamang sa 45 minuto ang biyahe sa pagitan ng dalawang lugar, depende pa rin sa aktuwal na kondisyon ng trapiko at kalsada.
Sa isinagawang pakikipag-ugnayan sa media, hinikayat ni Pangilinan ang mga motorista, negosyante at komunidad na suportahan ang proyekto at tumulong sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa bagong ruta.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng feedback mula sa mga motorista upang malaman ang kanilang karanasan sa paggamit ng expressway at matukoy ang mga bahagi na maaari pang mapabuti.
Kinatawan naman ng MPTC sa aktibidad si Ms. Arlete Capistrano, na nakibahagi sa talakayan at pakikipag-ugnayan sa mga mamamahayag.
Naging pagkakataon din ang media tour para sa mga journalist na makita mismo ang progreso ng proyekto, makapagtanong sa mga kinatawan ng kumpanya at higit na maunawaan ang inaasahang pakinabang nito sa publiko.
Muling pinagtibay ng CALAX at MPTC ang kanilang pangako na patuloy na paunlarin ang imprastraktura ng mga kalsada, palakasin ang konektibidad at maghatid ng mas ligtas, mabilis at maginhawang paglalakbay para sa mga motorista.
Inaasahang magiging mahalagang yugto ang target na pagbubukas ng bagong expressway connection sa Disyembre 2026 sa pagpapahusay ng transportasyon at pagsuporta sa paglago ng ekonomiya sa Cavite-Laguna corridor.
Ni Roy Tomandao
0 Comments