PAGBUWAG SA PROVINCIAL RATE SYSTEM SUPORTADO NI CONG. AMBEN AMANTE

PAGBUWAG SA PROVINCIAL RATE SYSTEM SUPORTADO NI CONG. AMBEN AMANTE

Isinusulong ni Laguna 3rd District Representative Cong. Amben Amante ang panukalang buwagin ang umiiral na provincial rate system sa sahod ng mga manggagawa upang magkaroon ng mas patas at makatarungang pasahod sa buong bansa. Ayon sa kongresista, hindi dapat maging dahilan ang lokasyon ng isang manggagawa upang mas mababa ang kanyang sahod kumpara sa iba.

Mula pa lamang sa simula ng kanyang panunungkulan sa Kongreso, malinaw na ang paninindigan ni Amante na itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa, lalo na ang mga nasa probinsya. Aniya, matagal nang nararanasan ng mga manggagawa sa mga lalawigan ang hindi pantay na sahod kumpara sa mga nasa kalakhang lungsod, kahit pareho lamang ang kanilang trabaho at sakripisyong ginagawa.

Bilang Co-Author ng House Bill No. 8081, aktibong isinusulong ni Amante ang panukalang naglalayong alisin ang provincial wage classification upang magkaroon ng mas pantay na pamantayan sa sahod sa buong bansa. Layunin ng panukala na tiyakin na ang halaga ng paggawa ay kinikilala at pinahahalagahan anuman ang lugar kung saan ito ginagawa.

Ayon pa sa kongresista, ang dignidad ng paggawa ay hindi dapat sinusukat sa lokasyon kundi sa mahalagang ambag ng bawat manggagawa sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Para kay Amante, panahon na upang itama ang matagal nang isyu ng hindi pantay na pasahod at bigyan ng sapat na pagkilala ang pagsisikap ng mga manggagawang Pilipino.

Sa kabila ng mga hamon at diskusyon sa Kongreso, naninindigan si Amante na ipagpapatuloy niya ang laban para sa kapakanan ng mga manggagawa. Aniya, hindi siya uurong sa pagsusulong ng mga panukalang magbibigay ng mas makatarungan at disenteng sahod para sa lahat ng Pilipinong manggagawa. 
(Admin:Roy Tomandao)