PERSONA NON GRATA BOKAL KARLA ADAJAR -LAJARA: SANGGUNIANG BAYAN NG CALAUAN NAGPASA NG RESOLUSYON LABAN SA MAPANIRANG PAHAYAG SA SOCIAL MEDIA

PERSONA NON GRATA BOKAL KARLA ADAJAR -LAJARA: SANGGUNIANG BAYAN NG CALAUAN NAGPASA NG RESOLUSYON LABAN SA MAPANIRANG PAHAYAG SA SOCIAL MEDIA 

Calauan, Laguna — May ipinasa at inaprubahang resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Calauan bilang tugon sa mapanirang pahayag na kumalat sa social media noong Enero 16, 2026, na itinuturing na nakakasira sa dignidad ng pampublikong opisina at sa pamantayan ng respeto, civility, at propesyonalismo sa serbisyo publiko.

Tinukoy sa resolusyon si Karla Monica Adajar Lajara, Third District Board Member ng Laguna, bilang paksa ng pagdidiin matapos kumalat ang isang video na naglalaman ng umano’y nakakasakit at di-respetadong pahayag laban sa kay Calauan Mayor Osel Caratihan at sa ilang mamamayan ng bayan.

Pagdedeklara ng PERSONA NON GRATA
Ang resolusyon ay isinulong at binasa sa sesyon ng Allan Jun Sanchez, Vice Mayor at Presiding Officer ng Sangguniang Bayan ng Calauan, kasama ang Joan Pamela M. Babatid, Ex-Officio Member at Pangulo ng Liga ng mga Barangay.
Ito ay pinagtibay at sinang-ayunan ng mayorya ng Sangguniang Bayan ng Calauan, at nagresulta sa pagdedeklara kay Hon. Carla Monica Adajar Lajara bilang PERSONA NON GRATA sa Munisipalidad ng Calauan.
Inatasan din ang pagpapadala ng mga kopya ng resolusyon sa Tanggapan ng Punong Bayan, Philippine National Police (PNP), Tanggapan ng Gobernador ng Laguna, at iba pang kinauukulang ahensya para sa impormasyon at gabay.
Paninindigan ng Sangguniang Bayan
Sa mga naging deliberasyon, iginiit ng Sangguniang Bayan na may umiiral na tamang proseso para sa paghahain ng hinaing at panawagan ng sinumang opisyal. Binigyang-diin na hindi papayagan ang panlilibak, paghamak, o pag-atake—lalo na yaong umaabot sa personal at pampamilyang usapin—na sumisira sa dangal ng lokal na pamahalaan at sa tiwala ng publiko.
Legal na Batayan at Etikal na Panawagan
Binanggit sa resolusyon ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Section 16 ng Local Government Code of 1991, gayundin ang tungkulin ng mga opisyal na sumunod sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, na nagsasaad na ang tiwala ng publiko ang pundasyon ng mabuting pamamahala.
Nanawagan ang Sangguniang Bayan ng Calauan sa lahat ng lingkod-bayan na panatilihin ang respeto, disiplina, at responsableng pagpapahayag, lalo na sa paggamit ng social media at iba pang pampublikong plataporma