Gov. Sol Isinusulong ang On-Time Hazard Pay at Pinalalakas ang Suporta sa Kalusugan sa Gitna ng ₱57M Usapin sa PhilHealth

Gov. Sol Isinusulong ang On-Time Hazard Pay at Pinalalakas ang Suporta sa Kalusugan sa Gitna ng ₱57M Usapin sa PhilHealth 

“Maging on time ang hazard pay ng health practitioners at health workers.”
Ito ang malinaw na direktiba ni Governor Sol Aragones, na inuuna ang kapakanan ng mga frontliners sa gitna ng pinaigting niyang reporma sa sektor ng kalusugan. Matapos niyang busisiin ang kalagayan ng siyam na district hospitals sa Laguna, lumabas ang isang mabigat na isyu ₱57 milyon sa PhilHealth claims ang na-deny at hindi pa natatanggap ng mga ospital.

“Solusyon ang kailangan, hindi na magsisihan,” giit ni Aragones, kaya agad niyang ipinatawag ang mga PhilHealth administrators mula sa siyam na ospital upang linawin ang isyu at maglatag ng mga hakbang. Binigyang-diin niya na hindi pagtuturuan kundi pagtutulungan ang kailangan upang maisalba ang sistema at makapaghatid ng agarang serbisyo sa publiko.

Kabilang sa mga inihahandang solusyon ni Gov. Sol ay ang mga sumusunod, paglalagay ng dedikadong hospital administrators sa bawat ospital para tumutok sa operasyon, paglipat ng Luisiana District Hospital sa mas ligtas na lugar dahil sa madalas na pagbaha, pagpapatayo ng karagdagang gusali upang maibsan ang siksikan sa mga ward, at pagpapagamit ng guarantee letter sa mga pribadong ospital para sa mga pasyenteng kailangang sumailalim sa laboratory tests at diagnostic services.

Upang harapin ang problema sa PhilHealth claims, iminungkahi ni Aragones ang pagtatatag ng Technical Working Group (TWG) na tututok sa regular na monitoring at weekly reporting ng status ng mga claims at miyembro layuning magpatupad ng mas malinaw, mabilis, at transparent na proseso.

Kumpirmado rin ang pagharap ni Governor Sol sa Senado ngayong Hulyo 15, kung saan hihiling siya ng dagdag na pondo at suporta mula sa mga mambabatas para matugunan ang mga pangunahing kakulangan sa healthcare system ng Laguna. “May magagawa tayo kung magtutulungan. May pondo sa PhilHealth, at puwede tayong lumapit sa private sector,” aniya.

Sa pakikipagdayalogo sa mga staff ng ospital, binigyang-linaw niya “Sabihin ninyo kung ano ang kulang at ano ang maitutulong ko sa inyo.” Isang leadership style na nakabase sa pakikinig, pagtugon, at konkretong aksyon.

“Pangarap ko na dumating ang araw sa mga ospital na hindi na sasama ang loob ng mga pasyente dahil walang swero,” dagdag pa niya isang pangakong gobyerno na hindi lang nakikinig kundi tunay na kumikilos.

Sa kanyang mga hakbang na pagtiyak sa on-time hazard pay, pag-ayos ng imprastruktura, at mas maigting na koordinasyon sa PhilHealth at pribadong sektor, pinatutunayan ni Governor Sol Aragones na ang “Gobyernong May Solusyon” ay hindi lamang pangako, kundi tunay na pagkilos para sa mga tao. (30)
(Admin Ulat ni Roy Tomandao)

Post a Comment

0 Comments