ISANG ADMIRAL SANGKOT SA ₱20 MILYON, ISANG LC300, AT ANG PAGKAKANULO SA TIWALA NG BAYAN

ISANG ADMIRAL SANGKOT SA ₱20 MILYON, ISANG LC300, AT ANG PAGKAKANULO SA TIWALA NG BAYAN

MASYADONG nakakabahala ang mga nakalap naming mga impormasyong lumulutang at sinasabing ugnayan ng isang maimpluwensyang Admiral sa bandang Mindanao kay alyas H—ugnayang diumano’y may kasamang halagang ₱20 milyon at isang brand new na LC300. 

Kung totoo man ang mga alegasyong ito, malinaw na hindi ito simpleng usapan kundi isang seryosong isyu ng katiwalian na direktang sumasalungat sa tiwala ng taumbayan sa pamahalaan at sa mga institusyong dapat ay nagtatanggol sa soberanya ng bansa.

Mas lalong nakakapagduda ang sinasabing mga daungan na pinayagang gamitin sa Municipality of Siasi at Municipality of Parang, partikular sa Barangay Lagasan sa lalawigan ng Sulu. 

Ang mga ulat tungkol sa kargamentong cigarillo at bigas ay tila hindi basta pangkaraniwang kalakalan kung iuugnay sa laki ng perang sinasabing kapalit. 

Sa ganitong konteksto, hindi maiiwasang itanong: sino ang tunay na nakikinabang at sino ang pinagtatakpan? May kondisyon umanong inilatag ang admiral na ito, ayon sa ating impormante, na siya lamang ang maaaring kausapin ni Alyas H, at walang ibang ahensiya ng gobyerno ang dapat makialam. 

Kung totoo ito, malinaw na isa itong pagtatangka na i-isolate ang transaksyon at ilayo ito sa anumang uri ng pagsusuri o pananagutan. Ang ganitong uri ng kasunduan, kung mapapatunayan, ay malinaw na paglapastangan sa sistema ng checks and balances.

Mas nakakagalit isipin ang pahayag na tanging ang admiral na Ito lamang umano ang binabayaran at “out” na ang iba pang ahensiya tulad ng BOC, NBI, Coast Guard, at PNP. Ang ganitong senaryo, kung totoo, ay nagpapakita ng garapalang pagyurak sa mandato ng mga institusyong ito. 

Hindi ito simpleng personal na usapin—ito ay usaping pambansa na may direktang epekto sa seguridad at integridad ng estado. Hindi Kaya dahil sa kagagawan nito ay bumalik sa ating bansa ang mga nakakatakot na bandido katulad nga mga Abu Sayaff lalo na sa lugar.

Masyadong selective at pumapapel na malinis ang taong ito na punong puno naman ng pang aabuso sa kapangyarihan, tungkulin ng taumbayan na magsalita at manindigan para sa katotohanan at pananagutan.

Kami po ay nanawagan sa kinauukulan nang agarang aksyon na imbestigahan ang gawaing ito at panagutin sa batas at tanggalin sa puwesto ang sangkot.