WALA SA ISTASYON ANG LABAN NG PULIS, NASA LANSANGAN AT KOMUNIDAD ANG TUNAY NA SERBISYO — GOV. SOL ARAGONES

WALA SA ISTASYON ANG LABAN NG PULIS, NASA LANSANGAN AT KOMUNIDAD ANG TUNAY NA SERBISYO — GOV. SOL ARAGONES

LAGUNA-Mariing ipinahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna na wala sa loob ng mga police station ang tunay na laban ng mga pulis, kundi sa mga lansangan at komunidad kung saan madalas nagaganap ang krimen. Ito ang naging sentrong mensahe sa patuloy na direktiba ng pamunuan ng lalawigan at ng kapulisan upang higit na palakasin ang presensya ng mga pulis sa mga lugar na kritikal sa usapin ng peace and order.
Ayon kay Sol Aragones, mahalaga ang pagiging visible at ramdam ng mamamayan ng mga pulis, lalo na sa mga barangay, bukid, lansangan, at iba pang liblib na bahagi ng Laguna. Aniya, ang ganitong hakbang ay hindi lamang panlaban sa kriminalidad kundi nagsisilbi ring proteksyon at kapanatagan ng loob para sa mga ordinaryong mamamayan.
Dagdag pa ng gobernador, ang presensya ng kapulisan sa komunidad ay malinaw na mensahe sa mga kriminal na walang puwang sa Laguna ang karahasan at iligal na gawain. “Kapag ang pulis ay nasa mismong komunidad, mas mabilis ang responde at mas napipigilan ang krimen bago pa ito mangyari,” pahayag ni Aragones.
Samantala, tiniyak ni Jonar Yupio, Provincial Director ng Philippine National Police Laguna, na buong pusong tinatanggap ng PNP Laguna ang hamon ng pamahalaang panlalawigan. Ayon sa kanya, patuloy na paiigtingin ang police visibility, foot patrols, at community engagement bilang pangunahing estratehiya laban sa krimen.
Sinabi ni PCOL Yupio na hindi lamang pagpapatrulya ang isinusulong ng PNP Laguna kundi ang mas malalim na ugnayan sa mga barangay at lokal na pamahalaan. “Mas epektibo ang pagsugpo sa krimen kung katuwang namin ang komunidad. Ang tiwala ng mamamayan ang aming lakas,” ani Yupio.
Sa huli, pinasalamatan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang buong hanay ng PNP Laguna sa kanilang walang sawang paglilingkod. Ang patuloy na kooperasyon ng lokal na pamahalaan at kapulisan ay inaasahang magbubunga ng mas ligtas, mapayapa, at mas maunlad na lalawigan para sa lahat ng Lagunense.