"CASH ASSISTANCE IPINAMAHAGI SA 5,183 BENEPISYARYO NG CEAP SA LUNGSOD NG SANTA ROSA "
SANTA ROSA CITY LAGUNA --Ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod ang tulong pinansyal sa kabuuang 5,183 benepisyaryo ng College Educational Assistance Program (CEAP) bilang bahagi ng patuloy na suporta sa mga kabataang Rosense na nagsusumikap makapagtapos ng kolehiyo.
Layunin ng programa na matiyak na hindi mapuputol ang pangarap ng mga mag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa matrikula, pamasahe, o iba pang gastusin sa paaralan. Sa pamamagitan ng CEAP, nabibigyan ng agarang tulong ang mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag na pondo para sa kanilang pag-aaral.
Sa pangunguna ng City Scholarship Office, isinagawa ang pamamahagi ng tig-₱5,000 cash assistance sa bawat benepisyaryo noong Pebrero 24 hanggang 26, 2026. Maayos at organisado ang naging proseso upang masiguro ang mabilis at ligtas na pagtanggap ng tulong ng mga estudyante.
Personal na pinangunahan nina Arlene B. Arcillas at Arnold B. Arcillas ang pamamahagi ng tulong at nagbigay ng kani-kanilang mensahe para sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Mayor Arlene B. Arcillas, “Ang edukasyon ang pinakamahalagang puhunan na maibibigay natin sa ating kabataan. Nais ng Pamahalaang Lungsod na matiyak na walang estudyanteng Rosense ang mapag-iiwanan dahil lamang sa kakulangan sa pinansyal.
Patuloy kaming susuporta sa inyo hanggang maabot ninyo ang inyong mga pangarap.”
Samantala, binigyang-diin naman ni Vice Mayor Arnold B. Arcillas ang kahalagahan ng determinasyon at pagsusumikap. “Gamitin ninyo ang tulong na ito bilang inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang inyong pag-aaral. Ang tagumpay ninyo ay tagumpay ng inyong pamilya at ng buong Lungsod ng Santa Rosa.”
Patunay ang patuloy na pagpapatupad ng CEAP na nananatiling prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ang kapakanan at kinabukasan ng kabataan. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na binibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maabot ang kanilang mga pangarap at maging aktibong katuwang sa pag-unlad ng komunidad.