Libo-libong Residente ng Laguna, Tumanggap ng Tulong sa Isinagawang Relief Operations
Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Governor Sol Aragones, katuwang ang Akay ni Gob Action Center at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang sunod-sunod na relief operations para sa libo-libong residente ng mga bayan ng Alaminos, Bay, at Rizal.
Sa Alaminos, halos 296 na pamilya mula sa sampung barangay ang nakatanggap ng mga pangunahing pangangailangan at relief packs sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, ng lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Mayor Eric Lopez, at ni Bokal Angelica Jones Alarva.
Layunin ng nasabing aktibidad na maghatid ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang apektado ng mga hamon sa kabuhayan, at matiyak na napupunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Pinangasiwaan ng Akay ni Gob Action Center ang maayos na pagpapatupad ng distribusyon katuwang ang mga pamahalaang lokal at mga opisyal ng bawat bayan. Nagbigay din ng tulong teknikal at logistikal ang DSWD upang maging maayos at mabilis ang pamamahagi ng tulong.
Ipinapakita ng inisyatibang ito ang patuloy na pagtutok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa paghahatid ng maagap at organisadong ayuda sa mga mamamayan, bilang patunay ng malasakit at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat Lagunense. (30)
0 Comments