Libreng Dialysis Center, Magbubukas sa Disyembre 8
Isang panibagong pag-asa para sa mga pasyenteng may sakit sa bato ang nakatakdang simulan sa Disyembre 8, 2025, sa pagbubukas ng Libreng Dialysis Center sa Laguna Medical Center (LMC) sa Santa Cruz. Ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna at ng pribadong sektor sa pamumuno ni Governor Sol Aragones.
May 14 dialysis machine ang pasilidad at maaaring tumanggap ng halos 60 pasyente kada araw, na makatatanggap ng walang bayad at walang limitasyong gamutan. Personal na bumisita si Governor Aragones ngayong Nobyembre 12, 2025, kasama sina Dr. Odilon Inoncillo mula sa Provincial Health Office at dating DOH Undersecretary Dr. Eric Tayag.
Ipinapakita ng proyektong ito ang matatag na layunin ng pamahalaang panlalawigan na ilapit ang pangangalaga sa kalusugan sa mga mamamayan, lalo na sa mga walang kakayahang tustusan ang mahal na gastos ng pangmatagalang gamutan sa sakit sa bato. Malaking tulong ito sa mga pasyenteng dati’y kailangang bumiyahe pa sa malalayong ospital o pribadong klinika upang magpa-dialysis.
Magsisimula ang operasyon ng LMC Dialysis Center mula 6:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. Kailangang magsumite ng treatment plan at maging aktibong miyembro ng PhilHealth ang mga pasyente upang makagamit ng pasilidad.
“Don’t worry libre po lahat ito. Dito po unlimited ang dialyzer filter,” pahayag ni Dr. Inoncillo, na nagpatibay na walang anumang bayad ang gamutan.
Binigyang diin naman ni Governor Aragones ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng PhilHealth upang mapanatiling tuloy-tuloy ang tulong mula sa pamahalaan. “Walang bayad po ha, tandaan nyo libre yan,” aniya, bilang paalala na layunin ng programa na maibsan ang bigat ng gastusin sa mga pasyente.
Mas maaliwalas na rin ngayon ang gusali ng LMC matapos ang ginawang rehabilitasyon. Ayon sa mga health worker, sabik silang makabalik sa operasyon ng dialysis center na huling nagamit noong 2023.
Ibinahagi rin ni Governor Aragones na inaayos na ang mga dialysis center sa Pakil, Cabuyao, at Bay, na inaasahang magbubukas din sa lalong madaling panahon. “Kapag ho may nagpabayad sa inyo, sumbong nyo sa amin, dahil walang bayad, dapat libre,” paalala pa ng gobernadora bilang paniniguro na mananatiling tapat at malinis ang pagpapatakbo nito.
Ang pagbubukas ng LMC Dialysis Center ay isa na namang mahalagang hakbang ng Lalawigan ng Laguna tungo sa mas malawak na pangangalaga sa kalusugan at pagpapanatili ng buhay na may dignidad para sa bawat Lagunense.