TIG-IISANG MILYONG PONDONG PANGKAUNLARAN: SUPORTA NG PAMAHALAANG BAYAN SA 26 BARANGAY NG SANTA CRUZ
Santa Cruz, Laguna — Bilang patunay ng patuloy na malasakit at pagkalinga sa bawat mamamayan, naglaan ang Pamahalaang Bayan ng Santa Cruz sa pangunguna ni Mayor Benjo Agarao ng tig-iisang ₱1 milyong pondo para sa 26 na barangay sa bayan.
Layunin ng pondong ito na suportahan ang mga pangkaunlarang proyekto ng bawat barangay, kabilang ang pagpapaayos ng mga imprastraktura, pagpapaunlad ng mga serbisyong panlipunan, at iba pang programang makatutulong sa pagpapabuti ng kabuhayan at kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Ayon kay Mayor Benjo Agarao, ang pagbibigay ng pondo ay hindi nakabatay sa kulay ng pulitika, kundi sa pangangailangan at kapakanan ng mga mamamayan.
“Ang ating layunin ay malinaw — ang mapagsilbihan ang bawat mamamayan ng Santa Cruz, anuman ang kulay ng pulitika. Sama-sama nating itaguyod ang kaunlaran ng ating bayan,” pahayag ni Mayor Agarao.
Dagdag pa rito, tiniyak ng alkalde na mananatiling bukas, tapat, at nagkakaisa ang Pamahalaang Bayan sa pagpapatupad ng mga proyekto at programang magdudulot ng tunay na pagbabago sa bawat barangay.
Sa ilalim ng pamumunong ito, ang Pamahalaang Bayan ng Santa Cruz ay patuloy na nagsusulong ng malasakit, pagkakaisa, at progresibong pamamahala — tungo sa Kaunlaran ng Lahat.
0 Comments