Mga Atletang Lagunense, Tiniyak ang Buong Suporta ng Lalawigan para sa Batang Pinoy 2025
Mainit na tinanggap ni Governor Sol Aragones ang mga batang atleta na kakatawan sa Lalawigan ng Laguna para sa nalalapit na Batang Pinoy 2025 sa isang courtesy call na ginanap sa Provincial Capitol Time Plaza, bilang pagpapahayag ng kanyang buong suporta at paghikayat sa mga kalahok bago ang pambansang paligsahan.
Buong sigla at pagmamalaki na nagtipon ang mga atleta upang personal na maipakilala ang delegasyon ng Laguna. Ginamit ni Gov. Aragones ang pagkakataon upang bigyan ng inspirasyon ang mga kabataang atleta at tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang paglalakbay bilang mga manlalaro.
“Magkakaroon din tayo ng scholarship para naman sa ating magagaling na atleta. Importante na tulungan natin ang ating mga atleta dahil kayo ang pride ng lalawigan ng Laguna,” ani Gov. Sol Aragones, sabay anunsyo ng plano para sa scholarship program na nakalaan sa mga natatanging atleta isang pahayag na ikinatuwa ng buong delegasyon.
Bilang bahagi ng courtesy call, kasama din na nagkaloob si Gov. Aragones ng cash incentives at medalya sa mga atleta na kamakailan lamang ay nagwagi sa iba’t ibang kumpetisyon bilang pagkilala sa kanilang sipag, dedikasyon, at karangalang ibinigay sa Laguna.
Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si Gov. Aragones sa mga magulang at coach na patuloy na gumagabay at sumusuporta sa mga batang atleta.
“Sa lahat po ng mga magulang na nandito, maraming-maraming salamat po at kami po sa probinsya ng Laguna ay full support sa ating mga bata at ipagdadasal namin ang inyong tagumpay,” wika niya.
Ipinakita ng courtesy call ang matibay na hangarin ng Lalawigan ng Laguna na patuloy na paunlarin ang kabataan at larangan ng palakasan. Muling tiniyak ni Gov. Aragones na ang kanyang pamunuan ay mananatiling nakatuon sa pagpapatatag ng mga kabataang talento at sa pagsusulong ng disiplina at pagkakaisa sa bawat atletang Lagunense.
Nagpahayag din siya ng pag-asa na mas marami pang kabataan ang mahihikayat na makilahok sa mga darating na kompetisyon at magdala ng karangalan hindi lamang para sa Laguna kundi para sa buong bansa.
0 Comments