APLIP, Nanumpa sa Panunungkulan Habang Nangako ng Suporta si Gov. Sol Aragones sa mga Librarian ng Laguna
Ang Laguna Provincial Library, katuwang ang Association of Public Librarians and Information Professionals (APLIP) in Laguna, Inc., ay nagsagawa ng one day seminar at oath taking ceremony na may temang “Breaking New Ground: Celebrating Unity, Championing Progress.”
Pinangunahan ito ni Provincial Librarian Justina Garcia at dinaluhan ni Governor Sol Aragones, na siya ring nag-administer ng panunumpa sa mga bagong halal na opisyal ng APLIP.
Sa kanyang keynote message, binigyang diin ni Governor Aragones ang patuloy na pagbabago ng tungkulin ng mga aklatan sa makabagong panahon. Ibinahagi niya ang kanyang mga alaala noong panahong sabik ang mga bata na pumunta sa aklatan, at tinukoy na ito ngayon ang bagong hamon sa mga librarian.
“Paano natin gagawin innovative? Paano natin hihikayatin pa ang mga bata na pumunta sa library?” tanong ni Gov. Aragones, habang hinihikayat ang mga librarian na mag-isip ng malikhaing paraan upang muling pukawin ang interes ng kabataan sa pagbabasa at pag-aaral.
Tinukoy rin ni Gov. Aragones ang pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI), at binigyang-diin na bagama’t patuloy nitong binabago ang paraan ng pagkatuto at pagkuha ng impormasyon, mahalaga pa rin ang tamang paggamit nito. Ipinunto niya ang pagkakaiba ng tradisyunal na pag-aaral sa makabagong teknolohiya, at hinimok ang pagkakaroon ng balanse sa paggamit ng mga makabagong tools at modern devices.
Ipinahayag din ni Gov. Aragones ang kanyang tuloy-tuloy na suporta sa mga programang pang-edukasyon at pangkomunidad.
"Ako po ay handang tumulong sa inyo, at kung may programa po kayo para sa inyong organisasyon at eskwelahan, open po kami ang Provincial Government ng Laguna,” ani niya, bilang patunay ng kanyang adbokasiya para sa mas malawak na akses at tuloy-tuloy na kaunlaran sa larangan ng edukasyon at impormasyon sa lalawigan.
Tampok sa one-day seminar ang mga kilalang tagapagsalita mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) at Department of Education (DepEd).
Tinalakay ni Dr. Mary Ann Ingua ng UPLB ang mga estratehiya sa pagpapalakas ng inobasyon at pagpapanatili ng mga programa ng mga aklatan, habang ibinahagi naman ni Dr. Mark Anthony Idang, Education Program Supervisor ng DepEd SDO Laguna, ang mga makabagong pamamaraan sa pamamahala ng aklatan at edukasyon sa digital na panahon.
Naging daan ang pagtitipong ito upang mapagtibay ang pagkakaisa ng mga librarian at information professionals sa Laguna, at mapalakas ang pagtutulungan, inobasyon, at iisang hangarin para sa patuloy na pag-unlad ng mga pampublikong aklatan.
Tinapos ni Gov. Aragones ang pagtitipon sa pamamagitan ng muling pagtitiyak sa kanyang paninindigan para sa isang pamahalaang nakikinig, kumikilos, at naghahatid ng tunay na solusyon para sa pangangailangan ng mamamayan, lalo na ng mga tagapagtaguyod ng pagkatuto at pagbabasa.
0 Comments