"Tulak No More” Bagong Ambulansya sa Luisiana District Hospital
Personal na inihatid ni Gobernadora Sol Aragones ang bagong ambulansya sa Luisiana District Hospital ngayong Oktubre 20, 2025, matapos niyang malaman na ang lumang ambulansya ng ospital ay umaandar lamang hanggang 40 kilometro bawat oras at madalas pang itulak ng drayber bago umandar, ayon sa ulat ng Administrative Officer ng ospital.
“Tulak no more,” pahayag ni Gobernadora Sol Aragones sa turnover ceremony, na sinabayan ng palakpakan at tawanan mula sa mga kawani ng ospital at mga lokal na opisyal.
Matagal nang kinakailangan ng ospital ang isang maayos at mabilis na ambulansya. Ayon sa drayber, may mga pagkakataong may pasyente na sa loob ng ambulansya ngunit kailangang itulak pa ito at minsan ay napipilitan silang ilipat ang pasyente sa ibang sasakyan upang makarating nang ligtas sa ospital. Sa tulong ni Mayor Jomapher Alvarez, naisakatuparan ang matagal nang hinihintay na pagpapalit ng ambulansya.
Sa kanyang mensahe sa mga healthcare workers at kawani ng ospital, tiniyak ni Gobernadora Aragones na mananatiling libre ang paggamit ng ambulansya para sa lahat ng pasyente.
“Walang bayad na sisingilin po. Libre po ito. Never never na kukunin ang gastos ng ambulansya sa bulsa ng mga pasyente,” ani Gobernadora Sol Aragones.
Dagdag pa niya, kung may magiging problema sa pondo para sa operasyon ng ambulansya, ang Provincial Health Office (PHO) ang tutugon dito hindi ang mga pasyente. Pinagtibay rin ng gobernadora ang kanyang hangarin na ipagpatuloy ang pagsisikap upang magkaroon ng sariling ambulansya ang lahat ng walong district hospital at ang provincial hospital.
Ang turnover ay isa na namang hakbang tungo sa pagpapalakas ng kalusugan sa buong Laguna, upang matiyak na ang bawat ospital ay may kakayahang magbigay ng mabilis, ligtas, at maaasahang tugon sa mga pang-emergency na pangangailangan ng bawat Lagunense.
0 Comments