PEMS Chan, Naging Huwaran sa Serbisyo at Pagtulong sa Kapwa

Ulat ni Roy Tomandao 
PEMS Chan, Naging Huwaran sa Serbisyo at Pagtulong sa Kapwa

Trece Martires City, Cavite — “Walang pinipili ang pagtulong, mapa-civilian o kapwa alagad ng batas basta bayan ang makikinabang.”
Ito ang naging pahayag ni Police Executive Master Sergeant (PEMS) Paquito Enriquez Chan, miyembro ng Regional Mobile Force Battalion-CALABARZON at isa sa mga tagapagsanay sa kapulisan ng rehiyon.

Si PEMS Chan ay matagal nang nakikilala sa kanyang malasakit sa kapwa, lalo na noong panahon ng pandemya at sa tuwing may kalamidad o sakuna. Kaagapay ang kanyang kinabibilangang Rotary Club of Las Piñas Central, aktibo siyang nakikibahagi sa mga programang pang-komunidad.

Kamakailan ay personal siyang namahagi ng two-way radios, solar lights, at shooting goggles para sa Regional Special Unit Training 4-A. Ang mga kagamitang ito ay magagamit ng mga kasalukuyang nagsasanay sa Basic Internal Security Operation Course na ginaganap sa Camp Melencio Sagun, Trece Martires City.

Layunin ng inisyatiba ni Chan na mapalakas ang kahandaan at kapasidad ng mga bagong pulis sa CALABARZON na haharap sa iba’t ibang hamon ng seguridad at paglilingkod sa publiko.

Para kay Chan, ang pagtulong ay hindi lamang nakatali sa kanyang tungkulin bilang pulis kundi bahagi ng kanyang personal na paninindigan. “Ang pagtulong ay dapat walang hangganan, dahil lahat tayo ay may tungkulin sa bayan,” aniya.

Sa kanyang ipinapakitang malasakit at dedikasyon, si PEMS Chan ay nagsisilbing huwaran sa kapwa alagad ng batas at sa buong komunidad, patunay na ang tunay na serbisyo publiko ay nakaugat sa malasakit at pagkakaisa para sa ikabubuti ng lahat.

Post a Comment

0 Comments