Batang Warriors, Binigyan ng Pag-asa ni Gobernador Sol Aragones
Ibinigay ni Gobernador Sol Aragones ang kanyang unang sweldo bilang tulong sa mga Batang Warriors—mga batang lumalaban sa kanser, autism, cerebral palsy, sakit sa puso, at iba pang malulubhang karamdaman.
Magagamit ang donasyon para sa therapy at dagdag na suporta sa medikal at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga batang benepisyaryo.
“’Yung unang sweldo ko, ibibigay ko pang-therapy,” ani Aragones sa turnover ceremony na ikinatuwa ng mga magulang at miyembro ng komunidad. Dagdag pa niya, “Kung anong pwedeng itulong, itutulong po natin. Paraan ko po ito para magpasalamat at magbalik ng biyaya dahil binigyan tayo ng pagkakataon na makapaglingkod sa Laguna.”
Nagpasalamat naman si Maria, isang ina ng benepisyaryo, “Si Gov. Sol, congressman pa lang ’yan, kadugsong na ng buhay ni Maria. Kaya yung buhay ni Maria, kadugsong din yung serbisyo ni Gov. Sol Aragones.”
Si Danilo Condiction Jr. ang nagtatag ng grupong Batang Warriors, katuwang sina Pangulong Dels Alinsod, Pangalawang Pangulo Redelyn Macandile, at Tagapayo Lilibeth Lazaga. Tinutulungan ng samahan ang mga batang may malulubhang karamdaman mula sa San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, at Calamba.
Tiniyak ng Gobernador na patuloy ang kanyang tulong. “Bibigyan ko rin po ’yung iba, papatawag ko ’yung 2nd at 3rd batch. Ang mga nanay, lakasan lang ang loob, laban lang tayo, kaya natin ’yan. At para sa mga bata, lakasan lang ang loob, basta lagi magdasal,” aniya.
Bahagi ito ng adbokasiya ni Gov. Aragones na GOByernong may SOLusyon, na layong maihatid ang tulong sa mga batang higit na nangangailangan at mabigyan sila ng pag-asang gumaling at magkaroon ng mas maliwanag na bukas.
0 Comments