Pamana at Pag-unlad ng Kawayan, Tampok sa Ika-21 Kawayan Festival at Ika-115 Anibersaryo ng Bayan ng Famy

Pamana at Pag-unlad ng Kawayan, Tampok sa Ika-21 Kawayan Festival at Ika-115 Anibersaryo ng Bayan ng Famy
FAMY, LAGUNA — Pinangunahan ni Gobernador Sol Aragones ang isang linggong selebrasyon para sa ika-115 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bayan ng Famy at ika-21 Kawayan Festival, na naglalayong isulong ang kultura, pamana, at kaunlaran ng komunidad.
Kabilang sa mga nakasama ni Gobernador Aragones sa pagdiriwang sina Mayor Lorenzo Rellosa, Bise Mayor Fred Valois, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga opisyal ng barangay, senior citizens, at mga lokal na tagapagtanghal.
“Masyado pong makasaysayan sa akin ang Famy, dahil dito po ako nanumpa nang ako ay nanalong gobernador,” ani Aragones, habang inaalala ang kanyang panunumpa sa naturang bayan.
Binigyang-diin ng Gobernador ang kahalagahan ng muling pagbuhay sa industriya ng kawayan sa Famy matapos malaman na dalawang pamilya na lamang ang patuloy na gumagawa ng produktong kawayan sa lugar. “Kailangan pasiglahin ulit natin ang kawayan,” pahayag niya, at binigyang-linaw na ang pagpapalakas ng industriya ay makalilikha ng dagdag na hanapbuhay at makapagpapasigla ng lokal na turismo.
Kaugnay nito, nakita rin ni Gobernador Aragones ang potensyal ng San Sebastian Church bilang destinasyon para sa turismo at pamimintakasi. Ayon sa kanya, maaari itong maging pook na dadayuhin ng mga turista, na maaari ring makatikim at makabili ng mga lokal na produkto mula sa mga residente sa paligid ng makasaysayang simbahan.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya sa kalusugan, inanunsyo rin ng Gobernador ang pagtatatag ng Akay ni Gob Botika sa Famy, na suportado nina Mayor Rellosa at Bise Mayor Valois. “Babalik ako dito para sa inyong Kawayan Festival at para batiin kayo sa inyong anibersaryo,” pangako niya sa mga mamamayan ng bayan.
Sa ilalim ng GOByernong may SOLusyon, patuloy ang pagbibigay ng suporta sa bawat bayan upang matiyak ang pagpapanatili ng pamana at kabuhayan ng mga komunidad, para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.

Post a Comment

0 Comments