Solon mula Laguna, Naghain ng Panukalang Batas Laban sa Pang-aabuso sa Nakatatanda; Kaso ng Negosyanteng Matanda sa Pampanga, Binanggit
Maynila — Naghain si Laguna 1st District Representative Ann Matibag ng isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layuning protektahan ang mga senior citizen mula sa pang-aabuso, kapabayaan, at pananamantala — isang isyung tinawag niyang "madalian at nakakabahala."
Ang panukala ay inihain sa mga unang sesyon ng ika-20 Kongreso, at inangkop mula sa kwento ng 89-anyos na si Cita N. Rodriguez, isang retiradong accountant at kilalang pilantropo mula Pampanga, na naging laman ng balita matapos ang umano’y manipulasyon at panlilinlang ng sariling pamangkin upang makuha ang kontrol sa kanyang mga ari-arian.
“Ang kaso ni Tita Cita ay hindi isang isolated case,” ani Matibag sa kanyang talumpati. “Ito ay bahagi ng mas malawak at mas nakababahalang pattern ng elder abuse, na tila hindi sapat na tinutugunan ng kasalukuyang legal na sistema.”
Sa kasalukuyan, ang mga kaso ng pang-aabuso sa nakatatanda ay nililitis sa ilalim ng mga umiiral na batas gaya ng Revised Penal Code o Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Children Act), kung saan ang biktima ay kababaihan. Ngunit ayon kay Matibag, kulang ang mga batas na ito upang bigyang pansin ang natatanging pangangailangan ng mga matatanda.
“Ngayon, isinisiksik ang mga kaso ng elder abuse sa mga umiiral na batas. Ngunit ang mga batas na ito, bagama’t mahalaga, ay hindi sapat para sa kakaibang kalagayan ng mga matatanda,” dagdag niya.
Layunin ng panukalang batas na:
Magtakda ng malinaw at istandardisadong kahulugan ng “elder abuse” at mga legal na remedyo laban dito,
Palakasin ang mga mekanismo para sa maagang pagtukoy, pagrereport, at pagpaparusa sa mga lumalabag,
At magtatag ng mga institusyonal na serbisyo para sa mga biktima gaya ng libreng legal aid at protective care.
Ang panukalang batas ay nakaugat sa mga probisyon ng 1987 Konstitusyon na nagbibigay-diin sa dangal ng tao, karapatang pantao, at espesyal na proteksyon para sa mga maralita at mahihinang sektor tulad ng mga senior citizen. Binibigyang-diin din nito ang papel ng Estado sa pag-aksyon kapag ang pamilya — na siyang inaasahang tagapangalaga — ang nagiging sanhi ng pananakit.
Umapela si Matibag ng suporta mula sa lahat ng partido, gayundin sa Commission on Human Rights (CHR), mga organisasyon ng senior citizens, at mga tagapagtanggol ng karapatan ng nakatatanda.
“Hindi ito dapat maging panukala ko lamang, kundi panukala nating lahat,” aniya. “Ipakita nating hindi lang ‘mano po’ ang sukatan ng ating pagmamahal sa matatanda. Ibigay natin sa kanila hindi lamang ang paggalang, kundi ang proteksyon na karapat-dapat sa kanila.”
Inaasahang ididinig ang panukala sa tamang komite sa Mababang Kapulungan sa mga susunod na linggo.
Ulat ni Roy Tomandao
0 Comments