Libreng Maintenance na Gamot ng AKAY ni SOL Mobile Botika, Dinagsa sa LOS BAÑOS, SANTA ROSA, CALAUAN at PAGSANJAN!

Libreng Maintenance na Gamot ng AKAY ni SOL Mobile Botika, Dinagsa sa LOS BAÑOS, SANTA ROSA, CALAUAN at PAGSANJAN!

LAGUNA--Dinagsa ng mamamayan ang isinagawang pamamahagi ng libreng maintenance na gamot sa ilalim ng proyektong AKAY ni SOL Mobile Botika ngayong araw sa mga bayan ng Los Baños, Calauan, Pagsanjan at sa lungsod ng Santa Rosa, Laguna. Ang nasabing programa ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Akay ni Sol Party-list na mapalawak ang access ng mga mamamayan, lalo na ang mga kapos sa buhay, sa libreng gamot at serbisyong pangkalusugan.
Ang tagumpay ng aktibidad ay hindi lamang dahil sa suporta ng mga residente kundi maging ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan. Katuwang sa aktibidad ang mga pinuno ng mga bayan at lungsod, tulad nina Los Baños Mayor Niel Andrew Nocon, Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas, Calauan Mayor Osel Caratihan, at Pagsanjan Mayor ER Ejercito kasama si Vice Mayor Januario Garcia.
Buong pusong sinalubong ng mga residente ang mga kinatawan ng AKAY ni SOL Mobile Botika habang nakapila nang maaga ang mga nangangailangan ng maintenance medicines tulad ng gamot para sa high blood, diabetes, cholesterol, at iba pa. Sa kabila ng init ng panahon, hindi natinag ang mamamayan na nais makinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan.

Ayon sa ilang nakapanayam na benepisyaryo, malaking tulong ito sa kanila lalo na at mahirap nang bumili ng gamot sa araw-araw. “Malaking ginhawa ito sa amin, lalo na sa panahong mahal na ang bilihin,” ayon kay Aling Nena, isang senior citizen mula Calauan.
Nagbigay rin ng mensahe ang kinatawan ng Akay ni Sol na nagpaabot ng pasasalamat sa tulong ng mga lokal na pamahalaan sa matagumpay na implementasyon ng proyekto. Anila, patuloy na lilibot sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Laguna ang AKAY ni SOL Mobile Botika upang mas marami pang kababayan ang matulungan.

Binigyang-diin rin sa mensahe ang kahalagahan ng kalusugan bilang pangunahing priyoridad ng Akay ni Sol Party-list. “Ang kalusugan ay kayamanan. Hindi dapat hadlang ang kakulangan sa pera para makainom ng gamot ang isang tao,” saad sa opisyal na pahayag ng grupo.
Inaasahan na sa mga susunod na araw ay mas marami pang bayan ang maserbisyuhan ng naturang mobile botika. Ayon sa anunsyo, abangan ang pagbisita ng AKAY ni SOL Botika ng Bayan sa iba’t ibang sulok ng Laguna, dala ang pangakong serbisyo at malasakit para sa bawat Pilipino.
Ulat ni Roy Tomandao 

Post a Comment

0 Comments