"Pagsanjan Mayor ER Ejercito, Nakiisa sa Pagdiriwang ng 47th National Disability Rights Week sa Pagsanjan"
PAGSANJAN, LAGUNA — Buong puso ang naging suporta ni Mayor Jorge "ER" Ejercito sa pagdiriwang ng ika-47 National Disability Rights Week ngayong araw, Hulyo 17, 2025, na ginanap sa Liwasang Don Manuel Soriano sa Brgy. Poblacion Uno, Pagsanjan. Kasama niya sa makabuluhang okasyon si Vice Mayor Januario Garcia, mga opisyal ng barangay, at mga kalahok mula sa iba't ibang sektor ng lipunan, lalo na ang mga persons with disabilities (PWDs).
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Ejercito ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay at pagkilala sa kakayahan ng bawat mamamayan, anuman ang kanilang kalagayan. “Hindi hadlang ang kapansanan upang magtagumpay. Sa tulong ng komunidad at ng lokal na pamahalaan, sisiguraduhin nating may espasyo at oportunidad para sa ating mga kababayang PWD,” aniya.
Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang pagnanais na lalo pang paigtingin ang mga programa ng bayan para sa kapakanan ng mga PWD, gaya ng mas inclusive na access sa edukasyon, kabuhayan, at serbisyong medikal. Dagdag pa niya, “Ang ating pamahalaan ay may tungkulin na bumuo ng mga polisiyang makatao at makatarungan para sa lahat.”
Nagpahayag din ng suporta si Vice Mayor Januario Garcia sa isinagawang selebrasyon. Aniya, mahalagang matiyak na ang mga PWD ay may pantay na karapatan at oportunidad sa lipunan. "Hindi dapat sila maiwan sa pag-unlad ng bayan. Kailangan natin silang yakapin bilang mahalagang bahagi ng ating komunidad,” sabi ni Garcia.
Ang tema ng taong ito ay “Innovation for Inclusion: Building Inclusive Communities Together,” na layuning itaguyod ang mga makabagong paraan upang maisulong ang pagkakapantay-pantay at pagsasama ng lahat sa mga programang panlipunan. Isinagawa ang programa bilang pagtugon sa Proclamation No. 597 s. 2024 na nagpahayag ng opisyal na selebrasyon ng National Disability Rights Week tuwing Hulyo 17–23.
Nagpasalamat ang mga PWD participants sa malasakit na ipinakita ng lokal na pamahalaan. “Ramdam namin na mahalaga kami at kasama sa mga plano ng bayan,” pahayag ng isa sa mga lumahok.
Sa pagtatapos ng programa, tiniyak ni Mayor ER Ejercito na patuloy ang kanyang administrasyon sa paglikha ng mga inclusive na polisiya at proyektong tunay na magsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga persons with disabilities sa bayan ng Pagsanjan.
0 Comments