Congressman Amben Amante, Tuloy Tuloy ang serbisyo sa kanyang People's Day sa Nagcarlan, Laguna
Nagcarlan, Laguna — Idinaos ngayong Hulyo 17, 2025, sa Bayan ng Nagcarlan, habang isinagawa ni Congressman Loreto “Amben” S. Amante ang kanyang regular na People’s Day sa Satellite Office ng kanyang tanggapan para sa Ikatlong Distrito ng Laguna.
Kasama ang kanyang maybahay na si Kapitana Madette Janolino-Amante, personal na hinarap ni Congressman Amante ang kanyang mga kababayan upang dinggin at tugunan ang mga hinaing at pangangailangan ng mga ito, partikular sa larangan ng medikal na tulong, pagpapaospital, at burial assistance.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ni Congressman Amante na mailapit ang serbisyo-publiko sa bawat mamamayan, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno. Sa pamamagitan ng People’s Day, hindi na kailangang bumiyahe pa ng malayo ang mga residente upang magpatulong sa tanggapan ng kongresista.
Ayon kay Amante, layunin ng programang ito na mapadali ang proseso ng pagbibigay ayuda sa mga kababayan sa Ikatlong Distrito. “Hindi lamang ito tungkulin, kundi responsibilidad nating makinig at tumulong,” pahayag ng kongresista.
Ilan sa mga natanggap na hinaing ng mga residente ay may kinalaman sa gastusing medikal, tulong sa pagpapalibing, at pagpapagamot sa ospital. Karamihan sa mga lumapit ay matatanda, solo parents, at mga pamilyang lubos na nangangailangan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa mainit na pagtanggap at maagap na aksyon mula kay Congressman Amante at sa kanyang buong team. Ayon sa kanila, malaking tulong ang People’s Day upang maramdaman nila ang tunay na malasakit ng kanilang kinatawan sa Kongreso.
Hindi rin nagpahuli si Kapitana Madette Janolino-Amante sa pakikiisa sa aktibidad, kung saan abala rin siyang tumulong sa pagsasaayos ng mga dokumento at pakikipag-usap sa mga lumapit para humingi ng tulong.
Sa pagtatapos ng programa, tiniyak ni Congressman Amben Amante na patuloy siyang maglilingkod nang tapat at bukas-palad sa kanyang distrito. “Bawat hinaing ng aking kababayan ay aking pakinggan, at bawat pangangailangan ay sisikapin kong tugunan,” aniya.
Ulat ni Roy Tomandao
0 Comments