PETISYON LABAN SA NANALONG KONGRESISTA NG LAGUNA, IBINASURA NG ELECTORAL TRIBUNAL NG KONGRESO

PETISYON LABAN SA NANALONG KONGRESISTA NG LAGUNA, IBINASURA NG ELECTORAL TRIBUNAL NG KONGRESO

Ibinasura ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang petisyon ni Antonio M. Carolino laban kay Maria Jamina Katherine Agarao, ang nanalong kongresista ng ika-apat na distrito ng Laguna sa 2022 National and Local Elections. 

 Sa 17-pahinang desisyon na inilabas noong Enero 23, 2025 at  nilagdaan ni Associate Justice  Aflfredo Benjamin Caguioa,  Chairperson  at anim pang members,  kinilala ng HRET si Agarao bilang tunay at legal na nanalo sa nasabing posisyon.

Nagsimula ang kaso nang maghain si Carolino ng petisyon noong Hulyo 6, 2022, na kumukuwestiyon sa resulta ng eleksyon.  

Ayon kay Carolino, ang pagkapanalo ni Agarao ay bunsod ng mga iregularidad at anomalya sa lahat ng 660 clustered precincts sa ika-apat na distrito ng Laguna. 

 Kabilang sa kanyang mga alegasyon ang mga nawawalang balota, mga balotang hindi naitala ng automated election system, at mga iregularidad tulad ng maling pag-shade ng mga bilog na tinanggap ng Vote Counting Machines (VCMs), mahabang pila na naging dahilan para hindi makaboto ang ilang botante,  mga problema sa transmission ng resulta ng eleksyon,  mga kahina-hinalang indibidwal na nakapasok sa mga polling place,  disenfranchisement ng ilang botante,  vote-buying, at iba pang mga iregularidad sa araw ng botohan.

Itinanggi naman ni Agarao ang mga alegasyon ni Carolino. 
 Ayon sa kanya, nabigo si Carolino na patunayan ang kanyang mga paratang.  Iginiit din ni Agarao na walang katotohanan ang mga alegasyon ng vote-buying.

Matapos ang masusing pagdinig at pag-aaral ng mga ebidensya, kabilang na ang recount ng mga balota at ang pagsusuri ng mga ballot image,  napagpasyahan ng HRET na ibasura ang petisyon ni Carolino.  

Nakita ng tribunal na bagamat may mga iregularidad na naitala,  hindi ito sapat para magpawalang-bisa sa resulta ng eleksyon. 

 Sa kabila ng mga alegasyon ni Carolino tungkol sa vote-buying at iba pang iregularidad,  hindi ito humantong sa pag-annul ng mga boto sa anumang presinto.  

Nakatuon ang HRET sa recount ng mga balota, at base dito,  kinumpirma nito ang pagkapanalo ni Agarao.

Sa huli,  base sa recount,  nakakuha si Agarao ng 153,753 boto,  kumpara sa 153,477 boto ni Carolino.  
Dahil dito,  ipinahayag ng HRET na si Agarao ang tunay at legal na nanalo sa eleksyon para sa kongresista ng ika-apat na distrito ng Laguna.
Gayunpaman,  inirekomenda ng HRET sa Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng imbestigasyon at pag-uusig  sa mga posibleng paglabag sa mga batas,  lalo na ang  post-election tampering ng mga balota at iba pang mga kagamitan sa eleksyon,  partikular na sa mga clustered precinct sa Sta. Maria, Laguna.
✍️Admin Roy Tomandao 

Post a Comment

0 Comments