Calamba, Laguna - Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Calamba ang wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa “The Plaza” bilang bahagi ng paggunita ng ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani, ngayong araw.
Kasabay rin nito ang Laguna Day o ang special non-working holiday sa buong lalawigan. Nagkaroon naman ng flag raising ceremony sa bahay ni Dr. Jose Rizal o Museo ni Rizal kung saan ginanap ang programa.
Bilang kinatawan ni Pangulong Bongbong Marcos, naging panauhing pandangal si Senator Imee Marcos na nag-iwan sa kanyang talumpati, “Sana alalahanin natin na huwag hayaan na kalimutan ang kanyang pamana. Tayo, ang mga henerasyon natin ang dapat magsikap upang manatiling matingkad ang kwento ni Dr. Jose Rizal.”
“Sa pagtitipon na ito, 163 na taon na ang nakalipas na isinilang sa bakurang ito ang ating dakilang bayani. Sa araw na ito, saan man sulok ng bansa ay ginugunita ang kahanga-hangang katangian ng ating bayani na hanggang ngayon ay inspirasyon sa ating lahat. Sa nakaraang 10 taon ng CalamBagong Buhayani, naging matagumpay tayo na mapaunlad ang turismo upang ang buhay ni Rizal ay parangalan at ang ating kultura ay pangalagaan at itanghal.”, mula sa talumpati ng ama ng lungsod Mayor Ross Rizal.
Nakasama sa programa sina Laguna Governor Ramil Hernandez, Vice Gov. Atty. Karen Agapay, Congresswoman Cha Hernandez, Congresswoman Ruth Hernandez, Vice Mayor Totie Lazaro Jr., mga konsehal, liga ng mga barangay, sangguniang kabataan, mga Maginoo ni Rizal at Kababaihang Rizalista at mga kaanak ni Rizal maging ang kinatawan sa Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. JOY ESTEBAN
0 Comments