CONG. ANN MATIBAG, KINONDENA ANG PANGUNGUTYA SA TAONG MAY AUTISM: “ANG KAPANSANAN AY HINDI DAPAT GAWING KATATAWANAN”
SANTA ROSA CITY, LAGUNA — Mariing kinondena ni Laguna 1st District Representative at House Committee on Women and Gender Equality (CWGE) Chairperson Hon. Ma. Rene Ann Lourdes G. Matibag ang mga pahayag na ipinukol kay Josh Aquino, panganay na anak ni Kris Aquino, na umano’y ginawa siyang katatawanan dahil sa kaniyang kondisyon bilang isang taong may autism.
Sa kaniyang opisyal na pahayag, iginiit ni Cong. Matibag na ang pangungutya sa kapansanan ng isang tao ay hindi maituturing na katatawanan, kundi isang uri ng kalupitan na sumasalungat sa paggalang sa dignidad at karapatan ng bawat indibidwal.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat pairalin ang pag-unawa, malasakit at paggalang sa mga persons with disabilities (PWDs), sa halip na gawing paksa ng panlalait ang kanilang kondisyon.
Bilang isang ina, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata at babaeng lider, sinabi ni Matibag na hindi katanggap-tanggap na gawing libangan ang kapansanan ng isang tao, lalo na kung maaari itong magdulot ng kahihiyan at pananakit sa damdamin ng taong pinupuntirya.
Ayon sa kongresista, ang tunay na lakas ng isang tao ay hindi nasusukat sa kakayahang mangutya o manghamak ng iba, kundi sa tapang na ipagtanggol ang mga taong nangangailangan ng pag-unawa at proteksiyon.
Binanggit din niya ang Republic Act No. 7277, o Magna Carta for Disabled Persons, na inamyendahan ng Republic Act No. 9442, na nagbabawal sa pampublikong pangungutya at panlalait sa mga taong may kapansanan.
Binigyang-diin ni Matibag na hindi nabubura ng katwirang “biro lamang” ang pananagutan sa mga pahayag o kilos na nakapamiminsala sa dignidad ng isang PWD.
Ipinahayag din ng mambabatas ang kaniyang pakikiisa kay Josh Aquino, sa kaniyang inang si Kris Aquino, at sa lahat ng pamilyang patuloy na nagsisikap na mapangalagaan ang dignidad, karapatan at kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay na may kapansanan.
Para kay Matibag, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa isang podcast o isang mapanlait na pahayag, kundi tungkol din sa uri ng lipunang nais nating buuin—isang lipunang may pagpapahalaga sa pagkakapantay-pantay, paggalang at malasakit sa kapwa.
“Ang kapansanan ay hindi kailanman dapat gawing katatawanan. Ang kalupitan ay hindi komedya, at hindi katanggap-tanggap ang pananahimik sa harap ng diskriminasyon,” ang diwa ng kaniyang pahayag.
Nanawagan ang kongresista na itaguyod ang isang lipunang hindi nanghuhusga o nangmamaliit batay sa kapansanan, kundi nagbibigay ng pantay na paggalang, pag-unawa at proteksiyon sa lahat.
ROY TOMANDAO Balita Ngayon On-Line News
0 Comments