CALAMBA LTO, NAGSAGAWA NG “TODA RESCUE” SEMINAR PARA SA MGA TRICYCLE DRIVER

CALAMBA LTO, NAGSAGAWA NG “TODA RESCUE” SEMINAR PARA SA MGA TRICYCLE DRIVER

CALAMBA CITY, LAGUNA — Nagsagawa ang Land Transportation Office (LTO) Calamba ng seminar para sa mga tricycle driver sa ilalim ng programang “TODA Rescue,” bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang madagdagan ang kaalaman ng mga tsuper tungkol sa kaligtasan sa kalsada at tamang pagtugon sa oras ng aksidente.
Layunin ng seminar na mabigyan ang mga miyembro ng mga Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) ng dagdag na kaalaman at praktikal na impormasyon kung paano kikilos nang tama at ligtas kapag may naganap na aksidente sa lansangan.
Nakibahagi rin sa programa ang Calamba City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na nagbigay ng mahahalagang impormasyon at tamang gabay hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng road accidents, kabilang ang wastong pagtugon, paghingi ng emergency assistance at pag-iwas sa mga kilos na maaaring magpalala sa sitwasyon.
Ayon sa LTO Calamba, mahalagang maging bahagi ng paghahanda sa kaligtasan sa kalsada ang mga tricycle driver dahil kabilang sila sa mga madalas na nasa lansangan at maaaring unang makasaksi o makatulong sa isang insidente.
Ang pagsasagawa ng TODA Rescue Seminar ay isang inisyatiba ni LTO Calamba Chief Hengie Nepomuceno, bilang bahagi ng kanyang programa na palakasin ang road safety awareness at responsableng pagmamaneho ng mga tricycle driver.
Binigyang-diin din sa seminar ang kahalagahan ng disiplina, pagiging alerto at pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa tamang emergency response upang makatulong na mailigtas ang buhay at maiwasan ang karagdagang pinsala sa oras ng aksidente.
Patuloy namang hinihikayat ang mga tricycle driver na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng ligtas, maayos at disiplinadong paglalakbay sa mga kalsada ng Calamba.

Post a Comment

0 Comments