BJMP 35TH ANNIVERSARY, IPINAGDIWANG SA CALAMBA; DISIPLINA AT RESPONSIBILIDAD, BINIGYANG-DIIN

BJMP 35TH ANNIVERSARY, IPINAGDIWANG SA CALAMBA; DISIPLINA AT RESPONSIBILIDAD, BINIGYANG-DIIN

CALAMBA CITY, LAGUNA — Ipinagdiwang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) CALABARZON ang ika-35 taong anibersaryo nito sa isang seremonyang ginanap nitong Huwebes, Agosto 20, sa lungsod ng Calamba, Laguna.
Bitbit ang temang “Disiplina at Responsibilidad, Sandigan sa Serbisyong May Kredibilidad,” tampok sa pagdiriwang ang pagkilala sa mga katuwang ng BJMP mula sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, state universities and colleges, at pribadong organisasyon na patuloy na sumusuporta sa makatao at epektibong serbisyo para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Binigyang-parangal din ang mga natatanging opisyal at kawani ng BJMP, kabilang ang mga best provincial, district, city at municipal jails, gayundin ang mga natatanging jail dormitories sa rehiyon.
Pinangunahan nina BJMP Jail Director Efren Nemeño at BJMP CALABARZON Regional Director Chief Superintendent Isabelo Cartin Jr. ang pagdiriwang, kasama ang iba pang opisyal ng BJMP CALABARZON at National Headquarters.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Nemeño ang dedikasyon at pagganap sa tungkulin ng mga kawani ng BJMP upang matiyak ang patuloy na pagbibigay ng reporma, rehabilitasyon at suporta sa mga PDL hanggang sa kanilang muling pagbabalik sa komunidad.
Pinasalamatan din niya ang mga katuwang na ahensya at organisasyon na tumutulong sa BJMP sa pagtupad ng mandato nitong pangalagaan at itaguyod ang kapakanan ng mga PDL.
Iniulat din ng BJMP Chief na patuloy na bumababa ang congestion rate sa mga piitan sa bansa, bunga ng suporta ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., gayundin ng koordinasyon at kontribusyon ng iba't ibang ahensya at organisasyon.
Samantala, ipinakita naman ni Cartin ang mga naging tagumpay ng BJMP CALABARZON sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad sa iba't ibang bahagi ng rehiyon, pagpapatupad ng mga makataong reporma sa jail management, at mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan, kapakanan at proteksyon ng mga jail personnel.
Sa ika-35 taon ng BJMP CALABARZON, muling binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng disiplina, pananagutan at makataong serbisyo bilang pundasyon ng isang kredible at responsableng serbisyo publiko.

Post a Comment

0 Comments