“TAMA NA!” HIRIT NI CAYETANO LABAN SA KORAPSYON, SELECTIVE JUSTICE
Nanawagan ng pagkakaisa laban sa umano’y katiwalian sa flood control projects
Ni Roy Tomandao
Balita Ngayon Online News
QUEZON CITY – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na magkaisa laban sa korapsyon at sa tinawag niyang "selective justice" kaugnay ng patuloy na isyu ng umano'y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Sa harap ng mahigit 12,000 katao na dumalo sa isang lightning rally sa EDSA nitong Martes, Hunyo 30, iginiit ni Cayetano na panahon na upang manindigan ang mamamayan laban sa katiwalian.
"Dumating na ang panahon na kailangan sabihin nating, 'Tama na! Tama na!'" ani Cayetano.
Ayon sa senador, mataas ang naging pag-asa ng publiko matapos mailahad sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ang mga umano'y ghost projects at iregularidad sa flood control program. Gayunman, sinabi niyang tila humina ang pagtutok sa isyu dahil sa interes sa pulitika.
Binanggit din ni Cayetano ang naging imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan noon nina Senador Panfilo Lacson at Rodante Marcoleta, na aniya'y nakapaglantad ng ilang umano'y anomalya, ngunit kalaunan ay nawala ang pokus sa paghahanap sa mga tunay na responsable.
Iginiit din niya ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may "mastermind" umano sa likod ng mga anomalya, at sinabi niyang nararapat lamang na matukoy at mapanagot ang lahat ng sangkot.
Ayon pa kay Cayetano, hindi pa rin lubusang naimbestigahan ang malaking pondong inilaan para sa flood control at road maintenance noong 2023 at 2024, kahit umaabot umano sa daan-daang bilyong piso ang naging alokasyon.
Sa kabila nito, tiniyak ng senador na magpapatuloy ang kanilang pagsisikap na isulong ang pananagutan sa mga sangkot sa katiwalian.
"Huwag po ninyo kaming alalahanin. Desidido po kaming lumaban," aniya.
Hinimok din niya ang mga Pilipino—anuman ang kanilang paniniwalang politikal, relihiyon, o pinagmulan—na magkaisa sa laban kontra korapsyon.
"Sana bilang Pilipino, makasigaw tayo ng 'We are one against corruption.'"
Naging sentro ng kanyang talumpati ang panawagan para sa pananagutan, transparency, at patas na pagpapatupad ng batas upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
— Ulat ni Roy Tomandao
Balita Ngayon Online News
0 Comments