COUNCILOR BARBIE DIAZ MARKS FIRST YEAR IN OFFICE WITH 2026 STATE OF LEADERSHIP ADDRESS, LEADS 1,400-SEEDLING TREE PLANTING IN SAN PABLO CITY
SAN PABLO CITY, Laguna (June 27, 2026) – Isang makabuluhang pagdiriwang ang pinangunahan ni Councilor Barbie Diaz kasabay ng kanyang kaarawan at unang anibersaryo bilang halal na konsehal ng San Pablo City sa pamamagitan ng 2026 State of Leadership Address at isang malawakang Tree Planting Activity sa Malabanban Watershed, Barangay Sto. Angel.Mahigit 1,400 punla ang itinanim sa watershed bilang bahagi ng adbokasiya ni Diaz sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng isang mas luntian at mas matatag na kinabukasan para sa San Pablo City. Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal ng barangay, mga volunteer, youth organizations, environmental advocates, at daan-daang residente na nakiisa sa layunin ng pangangalaga sa kalikasan.Isa sa tampok ng programa ang 2026 State of Leadership Address, kung saan inilahad ni Councilor Diaz ang kanyang mga naisakatuparang programa at proyekto sa unang taon ng kanyang panunungkulan. Binigyang-diin niya ang kanyang mga inisyatiba sa kapakanan ng kabataan, kalusugan, edukasyon, pangangalaga sa kapaligiran, at serbisyong pangkomunidad.
Ayon kay Diaz, ang kanyang panunungkulan ay nakabatay sa pananagutan, transparency, at tunay na serbisyo publiko. Aniya, mahalagang maipabatid sa mamamayan ang mga nagawa ng kanilang halal na kinatawan at ang mga programang nakahanay para sa mga susunod na taon.
Ayon kay Diaz, lubos silang nagpapasalamat sa napakalaking suporta ng publiko dahil higit sa inaasahan ang bilang ng mga dumalo sa okasyon.
"Isang linggo lamang ang aming naging paghahanda at inaasahan naming nasa 200 katao lamang ang dadalo. Dahil limitado ang aming mga naipamahaging imbitasyon, hindi namin inakalang aabot sa mahigit 500 ang makikiisa sa programa. Isa itong malinaw na patunay ng patuloy na tiwala at pagmamahal ng ating mga kababayan," ani Diaz.
Nagpasalamat din si Diaz sa napakalaking suporta ng mga San Pableño matapos lumampas sa inaasahang bilang ng mga dumalo ang programa.
"Ang tiwalang ipinakita ng ating mga kababayan ay nagsisilbing inspirasyon upang lalo pa naming pagbutihin ang aming paglilingkod. Patuloy kaming magsisikap na makapaghatid ng mga programang may tunay na pakinabang sa bawat pamilya at makatulong sa pagbuo ng isang mas maunlad, mas ligtas, at mas luntiang San Pablo City," ani Diaz.
Dumalo rin sa programa ang kanyang ama, si former City Councilor Rondel Diaz, na nagpahayag ng suporta at paghanga sa dedikasyon ng kanyang anak sa paglilingkod. Aniya, ang pamumuno ay hindi nasusukat sa haba ng panunungkulan kundi sa tapat, responsable, at epektibong serbisyong naihahatid sa mamamayan.
Nagtapos ang programa sa panawagan ni Councilor Barbie Diaz para sa patuloy na pagkakaisa ng mga mamamayan sa pangangalaga sa kalikasan at sa pagsusulong ng mga programang magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa susunod na henerasyon ng mga San Pableño.
BALITA NGAYON ON-LINE NEWS ulat ni Roy Tomandao
0 Comments