MAYOR ARLENE ARCILLAS PINANGUNAHAN ANG PAGGUNITA NG SANTA ROSA CITY SA 129TH ANIBERSARYO NG PAGKAMARTIR NI DR. JOSE RIZAL
SANTA ROSA CITY, LAGUNA — Ipinagdiwang ng Lungsod ng Santa Rosa City ang ika-129 Anibersaryo ng Pagkamartir ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal noong Disyembre 30, 2025, sa isang makabuluhan at makasaysayang seremonya na dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng komunidad.
Pinangunahan ang paggunita ni Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas, kasama si City Vice Mayor Arnold Arcillas, na kapwa nakiisa sa seremonyang may temang “Rizal: Sa Pagbangon ng Mamamayan, Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay.” Layunin ng okasyon na sariwain at bigyang-diin ang mga aral at diwa ni Rizal na patuloy na nagsisilbing inspirasyon ng sambayanang Pilipino.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Arcillas ang kahalagahan ng pagkakaisa, edukasyon, at pagmamahal sa bayan bilang pundasyon ng pagbangon ng mamamayan. Ayon sa alkalde, nananatiling buhay ang diwa ni Rizal sa bawat Pilipinong handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng bayan at kapwa.
Nagbigay rin ng mensahe si Vice Mayor Arnold Arcillas na nagpahayag ng pagpupugay sa kabayanihan ni Rizal at hinikayat ang kabataan na gawing gabay ang mga aral ng pambansang bayani sa kanilang pag-aaral at pakikilahok sa lipunan. Binigyang-diin niya na ang kabataan ang susi sa patuloy na pagsasabuhay ng mga ipinaglaban ni Rizal.
Dinaluhan ang seremonya ng mga school heads, mag-aaral, kinatawan ng mga non-government organizations (NGOs), lokal na pamahalaan, BSP GSP at iba pang sektor ng lipunan. Ang makabuluhang paggunita ay nagsilbing paalala na ang sakripisyo ni Dr. Jose Rizal ay patuloy na nagbibigay-liwanag sa landas ng bayan tungo sa kaunlaran at tunay na kalayaan.
0 Comments