GOVERNOR SOL ARAGONES DUMALO SA MISS UNIVERSE PHILIPPINES LAGUNA, HINIKAYAT ANG MGA KANDIDATO NA IPAGMALAKI ANG PAGIGING LAGUNENSE
LAGUNA — Dumalo bilang panauhing pandangal si Governor Sol Aragones sa ginanap na Miss Universe Philippines Laguna noong Disyembre 20, 2025 sa Santa Rosa City Multipurpose Complex. Ang kaganapan ay inorganisa sa pangunguna ni Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas at Pageant Director Carlites De Guzman, at dinaluhan ng mga kandidatang kumakatawan sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Governor Aragones ang pamumuno at patuloy na pag-unlad ng Santa Rosa City. Ayon sa gobernador, ang reputasyon ng lungsod ay nakaugat sa maayos na pamamahala at progresibong pamumuno. Binanggit din niya ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng komunidad at sa pagtataguyod ng mga makabuluhang programa para sa mamamayan.
Hinikayat naman ni Governor Aragones ang mga kandidato na harapin ang kompetisyon nang may tapang at determinasyon. Aniya, ang karanasan sa paglahok sa pageant ay magsisilbing mahalagang aral na magagamit nila sa anumang landas na kanilang tatahakin, manalo man o hindi sa patimpalak.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang gobernador kay Director Carlites De Guzman, sa buong organizing team, at sa mga designer mula sa Laguna na naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng pageant. Binanggit niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagpapakita ng talento, kultura, at kakayahan ng mga Lagunense.
Naging mahalagang plataporma ang Miss Universe Philippines Laguna para sa mga kandidato upang ipakita hindi lamang ang kanilang kagandahan kundi pati ang kanilang kumpiyansa, talento, at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, iniwan ni Governor Aragones ang paalala para sa tatanghaling Miss Universe Philippines Laguna na ipagmalaki ang pagiging isang tunay na Lagunense.
0 Comments