Dekada ng Ani at Pagkakaisa sa Bayan ng Majayjay

Dekada ng Ani at Pagkakaisa sa Bayan ng Majayjay
Majayjay, Laguna – Ipinagdiwang ng Bayan ng Majayjay ang ika-10 Anibersaryo ng Anilinang Festival sa pamumuno ni Mayor Romeo Amorado, katuwang si Vice Mayor Ariel Argañosa at ang buong Sangguniang Bayan. Ang makulay na kapistahan ay tumagal ng walong araw, mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 2, na puno ng iba’t ibang programa at pagtatanghal.

Mula sa salitang “Ani” (harvest) at “Linang” (pagsasaka), ipinagdiriwang ang AniLinang Festival bilang pasasalamat sa masaganang ani at sa sipag ng mga magsasaka ng Majayjay.

Bilang pagbubukas, nagdaos ng parada at street dancing ang mga piling grupo at paaralan, tampok ang makukulay na kasuotan at sayaw na kumakatawan sa yaman ng kultura ng Majayjay. Kasunod nito, isinagawa ang art exhibit at workshop na nagbigay-daan upang maipakita ang talento ng mga lokal na alagad ng sining.

Isa rin sa mga pinakapinagkakaabangan ang tradisyunal na “Rampa ng mga Kabayo” kasama ang kanilang mga hinete, kung saan muling nasilayan ang kakaibang gilas ng mga alagang kabayo na bahagi na ng kasaysayan at kabuhayan ng bayan.

Bukod dito, tampok din sa selebrasyon ang iba’t ibang paligsahan, konsiyerto, at pagtitipon ng mga kabataan at lokal na organisasyon, na nagbigay-sigla at kulay sa festival.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Amorado na ang Anilinang Festival ay hindi lamang isang kasayahan, kundi isang pagpupugay sa pagkakaisa, kasaysayan, at kultura ng mga Majayjayeño. Dagdag pa ni Vice Mayor Argañosa, ang tagumpay ng pagdiriwang ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaang bayan, mga barangay, organisasyon, at mamamayan.

Bagamat hindi pa man nagtatapos ang pagdiriwang, patuloy ang imbitasyon ng Pamahalaang Bayan ng Majayjay sa mga bisita at turista na saksihan at makibahagi sa natitirang mga programa ng Anilinang Festival. Hinihikayat ang lahat na tuklasin ang makukulay na aktibidad, masasarap na lokal na produkto, at ang likas na ganda ng Majayjay—isang karanasang tunay na hindi malilimutan. (Shekinah Esteban)

Post a Comment

0 Comments