"OPISYAL NG PNP, NANAWAGAN SA KAPULISAN NA HIGITAN ANG KANILANG TUNGKULIN PARA SA MAS MATAAS NA ANTAS NG SERBISYO PUBLIKO"
LAGUNA --Idinaos ng Laguna Provincial Police Office (LPPO) ang regular ng pagtaas ng watawat nitong Lunes, kung saan ginawaran ng Medalya ng Kagalingan ang piling miyembro ng kapulisan. Kasabay nito ay binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga information officer sa pagpapatatag ng tiwala at pagpapahusay ng serbisyo para sa publiko na ginanap sa Kampo General Paciano Rizal Brgy Bagong Bayan Sta Cruz Laguna.
Sa mensaheng ipinaabot ni PLTCOL Franco Allex Reglos na kumatawan kay Provincial Director PCOL Jonar Yupio, iginiit nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang maiangat ang kalidad ng buhay sa Laguna. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at mga lokal na pamahalaan (LGU) sa ilalim ng temang “Unity in Service.”
Hinikayat ni Reglos ang mga miyembro ng kapulisan na lampasan ang inaasahan sa kanila at gawing inspirasyon ang ganitong mga gawain bilang paalala ng kanilang panata sa paglilingkod sa mamamayan.
Binigyang-pansin naman ni PLTCOL Jojo Sabeniano, Hepe ng PIO-LPPO, ang kahalagahan ng mas matibay na pakikipag-ugnayan sa Provincial Information Office upang maihatid sa publiko ang tama, napapanahon, at nakapagbibigay-inspirasyong balita tungkol sa hanay ng kapulisan.
Pinuri ni Provincial Information Officer Head Danilo Lucas ang mga tagumpay ng PNP Laguna at kinilala ang matatag na kolaborasyon sa pagitan ng PIO at LPPO. Ayon sa kanya, ang Medalya ng Kagalingan ay hindi lamang simpleng pagkilala sa natatanging serbisyo kundi isang paanyaya rin upang magbigay-inspirasyon sa iba na maglingkod nang may integridad, tapang, at malasakit.
Ngayong taon, pinarangalan sina PMAJ Serafin Tuero Gapunan, PCpl John Kestier Leogo Capellan, PCpl Oishin Monataña Nonzares, PMSG Paul John Avanzado, at PCpl Gerald Romero Canillas para sa kanilang kahanga-hangang pagganap sa iba’t ibang operasyon. Kabilang dito ang matagumpay na imbestigasyon at pagpapatupad ng batas na nakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Laguna.
Binigyang-diin din ni Lucas na ang patuloy na ugnayan ng LPPO at PIO ay nagsisiguro ng walang patid na daloy ng tapat na impormasyon para sa publiko, na nakapagpapalakas ng kamalayan at partisipasyon ng komunidad sa mga inisyatibo ng kapulisan. Dagdag niya, ang transparency at paninindigan sa katotohanan ay higit pang nagpapalalim ng tiwala ng mamamayan sa kanilang tagapagpatupad ng batas.
Nagtapos ang programa sa muling pagtitiyak ni Lucas ng suporta para sa maagap, inklusibo, at solusyon-oriented na pamamahala sa ilalim ng pamumuno ni Gobernadora Sol Aragones.
(Ulat ni Roy Tomandao )
0 Comments