Agarang Tulong ni Gob. Sol Aragones sa Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital

Mga Kama, Wheelchair, at Industrial Fans: Agarang Tulong ni Gob. Sol Aragones sa Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital
Wala pang isang araw matapos ang kanyang biglaang inspeksyon sa Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital, bumalik si Gobernadora Sol Aragones, dala ang mga kama, wheelchair, at industrial fans para agad tugunan ang pangangailangan ng ospital. Dahil dito, naging bagong ward ng pasyente ang dating waiting area sa ikalawang palapag, nabawasan ang siksikan, at naging mas komportable ang lugar para sa mga nangangailangan.
“Kahapon waiting area ‘to, ito nailagay na natin ang mga beds,” ani Gob. Aragones, na masayang ibinahagi ang mabilis na pagbabago na nagbigay daan para mas marami pang pasyente ang ma-accommodate. Isa sa mga lubos na natuwa ay si Rhodora Bautista, ina ng isang pasyenteng may dengue, “Sobra po akong nagpapasalamat kay Gobernadora Sol Aragones sa magandang ginawa po niya. Siya po ay nabigyan ng magandang kwarto at maaliwalas,” ani Bautista.

Kasama sa pagbisita sina Dr. Eric Tayag, dating Undersecretary ng Department of Health, Dr. Petersan Uy, Chief of Hospital, Dr. Odilon Inoncillo, OIC ng Provincial Health Office; Doland Castro mula sa Akay ni Sol Partylist, ang Public Affairs Office, at Engr. Gil Agarri, Provincial Engineer. Nakipag-ugnayan din ang gobernador kay Dr. Odilon para sa dextrose at iba pang medical supplies, at ibinalitang may paparating pang mga donasyong kama, “Alam nyo po nakakatuwa, maraming nag text sa’kin, actually may mga on the way na na beds na ibibigay sa’tin, no cost. Libre ibibigay sya sa’tin.”
Nagpasalamat si Chief Nurse Evangeline Ocampo, na 36 taon nang naglilingkod sa ospital, “Nagpapasalamat po ako dahil sa agaran nya po na pagtugon sa pangangailangan ng aming district hospital. Marami pong salamat Gob Sol Aragones, dahil naramdaman po namin hindi lamang po ang mga pasyente kundi kami rin na mga kawani ay binibigyan nyo rin po ng pansin ang aming pangangailangan.”

Ayon din sa ibang health workers, ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganito kabilis na aksyon at tulong.
Habang iniinspeksyon ang pasilidad, iniutos ng gobernador ang agarang pagkumpuni, “Engineer, tingnan nyo itong sahig, ipaayos ninyo ito,” bilin niya sa provincial engineer. Tiniyak din na nasuri na ang plano para sa apat na palapag na hospital building, at ayon sa engineer, “Within a month pwede na,” na tumutukoy sa pagsisimula ng konstruksyon ng bagong emergency room. Pansamantala, magpapatayo muna ng saradong extension para sa ER na may 10 kama, mas maayos na bentilasyon, at matatapos sa loob ng isang buwan. 

“Ayoko na Doc na may nakaupo sa monoblock, hindi ko talaga kaya yan lalo yung mga bata,” ani Gob. Aragones, sabay banggit na may isa pang donor na magbibigay muli ng mga kama.

Nagpasalamat din siya sa mga health workers at donors, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at malasakit, “Ang pinaka-ayaw ko yung mahirap na binubusabos pa. Yung mahirap na aping-api pa yung pakiramdam.” Dagdag pa niya, “Lumalabas yung puso ng mga tao na handang tumulong. Ibig sabihin maraming gustong tumulong, kaya lang hindi alam yung problema. Kaya importante na alam natin yung problem dahil ang katumbas lamang ng problem ay SOLusyon.”

Tiniyak ni Dr. Petersan Uy ang buong suporta ng ospital, “Masayang-masaya po para sa mga pasyente natin. Maasahan nyo po ang suporta namin Gob sa mga adhikain nyo po regarding sa healthcare system po.”

Para naman kay Casianna Dechavez, 60, na may kinakaharap na komplikasyon, malaking ginhawa ang tulong, “Maraming salamat po sa inyo Gob, napakalaking tulong po sa amin nito at sa iba pong pasyente. Maraming-maraming salamat po.”

Sa mabilis na aksyon at sama-samang pagtutulungan, naipakita ni Gob. Aragones na mula sa obserbasyon kahapon, may solusyon na agad kinabukasan nagdadala ng ginhawa, dignidad, at pag-asa para sa mga pasyente at kanilang pamilya. 

Post a Comment

0 Comments