'Mga Prayoridad na Programa ng Laguna para sa 2026, Tinukoy sa Pulong ng Provincial Development Council'
Laguna — Nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Development Council (PDC) ng Lalawigan ng Laguna upang talakayin at pagtibayin ang mga prayoridad na programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan para sa taong 2026. Pinangunahan ito ni Governor Sol Aragones kasama si Provincial Administrator Jerry Pelayo at iba’t ibang kinatawan mula sa mga bayan, lungsod, at sektor ng lipunan.
Layon ng pagpupulong na tukuyin ang mga proyektong tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Lagunense. Kabilang sa mga tinutukan ang pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, turismo, agrikultura, pangingisda, imprastraktura, at iba pang programang nakatuon sa kapakanan ng mga kabataan, kababaihan, senior citizens, at PWDs.
Ayon kay Governor Sol Aragones, mahalaga ang ganitong konsultasyon upang masiguro na ang direksyon ng pamahalaan ay nakaayon sa tunay na kalagayan ng mga mamamayan. “Hindi lamang natin pinapakinggan ang boses ng mga sektor, kundi sinisiguro nating maisasama sila sa plano para sa kaunlaran,” ani ng Gobernadora.
Isinulong din sa pulong ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pangingisda na pangunahing pinagkakakitaan sa maraming bahagi ng lalawigan. Kasama rito ang mga programang magpapalago sa produksyon ng ani at magbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda upang umangat ang kanilang kabuhayan.
Binanggit din ang mga planong palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mas maraming health centers at ospital na may sapat na kagamitan, pati na rin ang pagpapalawak ng mga scholarship at pagsasanay para sa mga guro sa sektor ng edukasyon.
Ayon naman kay Provincial Administrator Jerry Pelayo, bilang tagapangasiwa ng pamahalaang panlalawigan at tagapangalaga rin ng kalikasan, kanyang isinusulong ang pagpapatatag ng mga programang pang-agrikultura sa Laguna. “Ang agrikultura ang ugat ng ating pagkain at kabuhayan. Bilang administrador, tungkulin kong tiyakin na ito ay mapangalagaan at mapaunlad,” ani Pelayo.
Dagdag pa niya, mahalagang isabay sa mga plano ng probinsya ang pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga bayang umaasa sa agrikultura at yamang-tubig. Inihayag niyang may mga programang ilulunsad para sa sustainable farming, reforestation, at pagkakaroon ng mas responsableng paggamit ng natural resources.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, nagkasundo ang mga miyembro ng konseho na pagtibayin ang mga nabanggit na prayoridad bilang gabay sa isusumiteng 2026 Annual Investment Plan, na magsisilbing blueprint ng lalawigan sa pag-abot ng mas progresibo at inklusibong hinaharap.
Ulat ni Roy Tomandao
0 Comments