Ulat ni Roy Tomandao
GOVERNOR SOL ARAGONES, PORMAL NANG NANUMPA BILANG PUNONG LALAWIGAN NG LAGUNA
STA. CRUZ, LAGUNA — Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Governor-elect Marisol “Sol” Castillo Aragones-Sampelo bilang bagong Punong Lalawigan ng Laguna nitong Miyerkules, Hulyo 2, sa Cultural Center ng Capitolyo sa Sta. Cruz, Laguna. Pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang panunumpa habang saksi ang anak ni Gob. Sol na si Anika.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Gob. Aragones ang kanyang pangunahing adbokasiya—ang pagtutok sa kalusugan ng mga Persons with Disabilities (PWDs) at senior citizens. Ipinahayag niya ang paglulunsad ng programang “Akay ni Gov Butika”, isang mobile butika na maghahatid ng libreng gamot direkta sa mga tahanan ng mga nangangailangan.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Gob. Sol ang nalalapit na pagpapatupad ng “GOB SOL APP,” isang makabagong mobile application kung saan maaaring mag-book ng check-up, humiling ng gamot, at magpa-deliver nito sa mismong bahay ng mga benepisyaryo. “Libre na ang gamot, idedeliver pa — lalo na sa mga PWD at senior citizens,” aniya.
Bukod sa kalusugan, binigyang-pansin din ni Gobernadora ang sektor ng edukasyon. Ayon sa kanya, hindi sapat ang libreng pag-aaral kung hindi mataas ang kalidad ng pagtuturo. “Palakol ang grado? Hindi puwede sa mga paaralang libre pero de-kalidad,” giit niya.
Inilahad din niya ang kanyang mga plano para sa sektor ng agrikultura. Nangakong maglalaan ng sapat na tulong at suporta para sa mga magsasaka, sinabi niyang prayoridad niya ang kabuhayan ng mga nasa kanayunan. Isa rin sa kanyang tututukan ay ang pagpapasigla ng pilgrimage tourism sa Laguna, lalo’t hitik ito sa mga makasaysayang simbahan at pook na dinarayo ng mga deboto.
“Ang loyalty ko ay para sa taong bayan,” buo niyang pahayag. Aniya, hindi niya palalampasin ang mga kawani ng pamahalaan na walang malasakit at puso sa kanilang tungkulin. “Hindi ko itotolerate ang mga empleyadong walang malasakit sa serbisyo publiko.”
Bukod dito, nanawagan siya sa mga negosyante na mamuhunan sa Laguna. “Bukas ang lalawigan sa negosyo at oportunidad. Gobyernong may solusyon, hindi palusot, ang tatak ng aming administrasyon,” dagdag pa ng gobernador.
Kasabay ng kanyang panunumpa, nanumpa rin sa tungkulin ang kanyang Bise-Gobernador na si Atty. JM Carait at ang mga halal na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Sila ay nanumpa mismo sa harap ni Governor Aragones bilang suporta sa bagong administrasyon.
Dumalo sa makasaysayang okasyong ito ang lahat ng mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Laguna, mga kinatawan sa Kongreso, at iba pang lokal na opisyal. Ipinakita nila ang kanilang buong suporta at pakikiisa sa bagong liderato ni Governor Sol Aragones.
0 Comments