Agad na Aksyon ni Gov. Sol: SWAD Office, Ibinalik sa Sta. Cruz Matapos ang Panawagan ni Mayor Agarao


Agad na Aksyon ni Gov. Sol: SWAD Office, Ibinalik sa Sta. Cruz Matapos ang Panawagan ni Mayor Agarao

STA CRUZ, LAGUNA --Sa isang tawag lamang sa DSWD Regional Office, agad na tumugon si Governor Sol Aragones sa hiling ng bayan ang pagbabalik ng Social Welfare and Development (SWAD) Main Office sa Sta. Cruz. Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa kahilingan ni Mayor Benjo Agarao, na nagpapakita ng kahalagahan ng maagap na pamumuno at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno. Mananatili rin ang extension office sa Pila upang patuloy na makapaglingkod sa mga kalapit na komunidad.

Dalawang kahilingan ang inihain ni Mayor Agarao: una, ang pagbabalik ng SWAD Main Office mula Pila pabalik sa Sta. Cruz; at ikalawa, ang pormal na pagdo-donate ng Liwasang Bayan sa pamahalaang bayan ng Sta. Cruz parehong hakbang na nakikitang makatutulong sa pagpapalakas ng serbisyo publiko at paggamit ng mga pampublikong espasyo para sa kapakanan ng mamamayan. Tampok din sa okasyon ang pagbabasbas sa mga bagong donasyong emergency vehicles mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pinangunahan ni Fr. Kurt at sinamahan ng Speak for Jesus Movement, na sumisimbolo sa mas pinaigting na pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng mga taga-Sta. Cruz.

“Lahat ng local vendors mula sa Sta. Cruz ay inimbitahan po natin. Ang kanilang mga produkto na libre pong ipamimigay mamaya ay makakatulong sa pagpo-promote ng local tourism at food tourism,” pahayag ni Mayor Agarao, bilang suporta sa paglago ng lokal na ekonomiya at pagpapahalaga sa kulturang sariling atin.

Sa ginanap na flag ceremony, taos-pusong nagpasalamat si Mayor Agarao kay Governor Aragones sa pagpili sa Sta. Cruz bilang unang bayan na kanyang tinulungan. Nagpaabot rin ng pasasalamat si Vice Mayor Laarni Malibiran, habang nagbigay naman ng makabuluhang mensahe ukol sa kahalagahan ng kalusugan si dating DOH Secretary Eric Tayag.

Bago matapos ang programa, pormal na binuksan ang Akay ni Sol Mobile Botika, isang medical outreach initiative mula sa Akay ni Sol Partylist na naglalayong dalhin ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mas maraming mamamayan ng Sta. Cruz.

Ang kaganapan ay naging isang makasaysayang tagpo para sa bayan hindi lamang sa muling pagbabalik ng mahahalagang serbisyo, kundi bilang patunay na ang pagtutulungan ng mga lokal at panlalawigang lider ay maaaring maghatid ng mabilis, makatao, at epektibong resulta.
Ulat ni: Roy Tomandao 

Post a Comment

0 Comments