ulat ni Roy Tomandao
BAGONG MULTI-PURPOSE BUILDING SA BRGY. SAN ANTONIO, SAN PEDRO CITY, SISIMULAN NA!
San Pedro City, Laguna — Isang panibagong imprastraktura ang ilulunsad para sa mga mamamayan ng Barangay San Antonio sa San Pedro City, matapos ang matagumpay na Groundbreaking Ceremony para sa itatayong Multi-Purpose Building na may kasamang court, noong Hunyo 26, 2025.
Ang proyekto ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng ABAKADA Program ni Congresswoman Ann Matibag, mas kilala sa tawag na LaguNanay, na layuning itaguyod ang kaunlaran at kaginhawahan ng bawat mamamayan ng Lungsod ng San Pedro.
Sa pamamagitan ng programang ito, sinisigurado ni Congresswoman Matibag na ang pondo ng bayan ay diretso sa tao — isang prinsipyong nagpapatibay sa tiwala ng kanyang mga nasasakupan sa kanyang pamumuno. Ang Multi-Purpose Building ay inaasahang magsisilbing sentro ng mga aktibidad ng barangay — mula sa mga pulong, sports events, training, at iba pang community events.
Ayon kay Congresswoman Matibag, “Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nararating ang bawat sulok ng San Pedro upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kabarangay. Ito ang tunay na serbisyo – ang makinig, kumilos, at maghatid ng resulta.”
Lubos namang ikinatuwa ng mga opisyal ng barangay at mga residente ang proyekto. Anila, malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa mga kabataan kundi sa buong komunidad bilang ligtas at maayos na lugar para sa iba't ibang aktibidad.
Nagpasalamat din ang mga lokal na opisyal sa tulong ni Congresswoman Matibag at sa kanyang dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad na imprastraktura. Ang ganitong hakbang ay patunay umano na hindi napapabayaan ang kanilang barangay, bagkus ay inuuna pa ang kanilang kapakanan.
Patuloy ang panawagan ni LaguNanay sa pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat San Pedronian upang mas mapabilis ang pag-abot sa “Magandang Bukas” na kanyang pangarap para sa lahat.
Sa patuloy na pagbuhos ng mga proyekto sa lungsod, lalong tumitibay ang paniniwala ng mamamayan na sa ilalim ng MATIBAY at MATATAG na Alagang LaguNanay, walang maiiwan sa pag-unlad.
0 Comments