"Cayetano, tiniyak ang makatotohanan at malayang pagsusuri sa New Senate Building"

*Cayetano, tiniyak ang makatotohanan at malayang pagsusuri sa New Senate Building*

Ulat ni:Roy Tomandao 
Muling tiniyak ni Senate Accounts Committee chair Senator Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ang mahigpit at malayang pamamaraan ng pagsusuri sa New Senate Building (NSB), bilang tugon sa mga alalahanin ni dating Senador Panfilo Lacson tungkol sa negatibong pananaw ng publiko ukol rito.
“The conduct of the NSB review is factual and independent. Hindi pwede ang suspicion, speculation, assumption, akala,” wika ng Accounts chair.

Sinabi ito ni Cayetano matapos maglabas ng pahayag si Lacson ng pagkadismaya na ang NSB project ay nakikita na ngayon bilang isang potensyal na simbolo ng maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng mainit na palitan nina Cayetano at Senator Nancy Binay, na siyang sumunod kay Lacson bilang Accounts Committee chair, sa isang public hearing sa NSB noong Miyerkules, July 3.

Sa pagdinig, iginiit ni Binay na mali si Cayetano hinggil sa kabuuang halaga ng proyekto na lumobo sa P23.3 bilyon. Bwelta naman ni Cayetano, ang numero naman ay nagmula sa sariling team ni Binay na kabilang sa pangangasiwa sa proyekto.

Sa kanyang pahayag, kinilala ni Lacson ang pagtaas ng gastos mula sa inisyal na P8.9 bilyon hanggang P23.3 bilyon. Aniya, ito ang nag-udyok kay Senate President Francis Escudero na tumawag ng masusing pagsusuri.

Ibinunyag din ng dating senador na sinubukan niyang tumulong na mag-usap sina Cayetano at Binay upang matiyak ang maayos na paglipat sa pangangasiwa sa mga detalye ng proyekto.

Sa public hearing noong Miyerkules, inulit ni Cayetano ang pangako ng komite na magsagawa ng pagsusuri na naglalayong tiyakin ang pinakamataas na pamantayan ng konstruksiyon sa makatwirang halaga.

“The goal is to have the best functional and iconic Senate building that will be a symbol of our democratic process of the will of the Filipino people, at the best quality at the right cost,” sabi ni Cayetano.###

Post a Comment

0 Comments