SSS PENSION BOOSTER NAGBIGAY NG 6.2% KITA PARA SA MGA MIYEMBRO SA KABILA NG MGA HAMONG PANG-EKONOMIYA

SSS PENSION BOOSTER NAGBIGAY NG 6.2% KITA PARA SA MGA MIYEMBRO SA KABILA NG MGA HAMONG PANG-EKONOMIYA

QUEZON CITY – Ipinahayag ng Social Security System (SSS) na patuloy na nagpapakita ng matatag na pagganap ang kanilang Pension Booster Program, na kilala rin bilang Voluntary Provident Fund, matapos magtala ng average na 6.2 porsiyentong return on investment (ROI) mula Enero hanggang Mayo 2026 sa kabila ng umiiral na mga hamong pang-ekonomiya.

Ayon sa SSS, nananatiling maaasahang opsyon ang programa para sa mga manggagawang Pilipino na nais magkaroon ng karagdagang ipon para sa kanilang pagreretiro. Bagama't bahagyang mababa kumpara sa naitalang kita noong nakaraang taon dahil sa mga pagbabago sa interest rates na ipinatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nananatili itong mas mataas kaysa sa mga karaniwang benchmark rates sa merkado.

Sinabi ni Finance Secretary at Social Security Commission ex-officio Chair Frederick D. Go na sumasalamin ang magandang performance ng programa sa layunin ng pamahalaan na higit pang mapalakas ang seguridad sa pagreretiro ng mga manggagawang Pilipino.

“Ang patuloy na magandang pagganap ng SSS Pension Booster ay patunay ng aming pangako na maprotektahan ang pinansyal na kinabukasan ng mga Pilipinong manggagawa. Sa pamamagitan ng maingat at responsableng pamamahala sa pondo ng mga miyembro, nakatutulong tayo sa pagbuo ng mas ligtas at marangal na pagreretiro para sa bawat Pilipino,” ani Go.

Iniulat din ng SSS na ang 6.2 porsiyentong kita ngayong 2026 ay kasunod ng 6.83 porsiyentong ROI na naitala noong 2025. Mas mataas din ito kumpara sa average na humigit-kumulang 4.77 porsiyento ng 91-day Treasury Bill rate ngayong taon.

Lumaki rin ang kabuuang kontribusyon sa Pension Booster Program noong 2025 sa halagang P699 milyon, o 21.8 porsiyentong pagtaas mula sa P574 milyon noong 2024, na nagpapakita ng lumalakas na tiwala ng mga miyembro sa programa.

Upang higit na mapalaki ang kita ng mga miyembro, ipinagpatuloy ng SSS ang pag-waive sa isang porsiyentong management fee sa kabuuang balanse ng Pension Booster accounts mula 2025 hanggang 2028. Dahil dito, buong-buo nilang matatanggap ang mga kinita mula sa kanilang investments.

Ayon naman kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, bunga ng maingat at mahusay na pamamahala sa mga investment ang patuloy na paglago ng programa. Maaari na rin aniyang subaybayan ng mga miyembro ang buwanang paglago ng kanilang Pension Booster savings sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.

“Ang matatag na performance ng Pension Booster ay patunay ng disiplinado at propesyonal na pamamahala ng pondo. Patuloy kaming nakatuon sa pagbibigay ng mas malaking seguridad sa pananalapi ng aming mga miyembro pagdating ng kanilang pagreretiro,” ani de Claro.

Bukas ang Pension Booster Program sa lahat ng miyembro ng SSS na nagnanais magkaroon ng dagdag na ipon para sa kanilang kinabukasan. Maaaring magsimulang maghulog ng hindi bababa sa P500, at walang itinakdang maximum na halaga ng kontribusyon.

Ang mga kontribusyon ay pinagsasama-sama at iniinvest sa iba't ibang financial instruments gaya ng government securities, corporate bonds, fixed-income investments, equities, at money market instruments. Ang mga kinikita rito ay tax-free at direktang idinadagdag sa mga account ng mga miyembro.

Hinimok ni de Claro ang mga miyembro na magsimulang mag-ipon nang maaga at panatilihin ang kanilang investments sa mas mahabang panahon upang mas mapakinabangan ang benepisyo ng compound growth.

“Ang pagpaplano at pag-iipon para sa pagreretiro ay dapat simulan nang maaga. Habang mas matagal na nananatiling naka-invest ang pondo, mas malaki ang posibilidad na lumago ang kanilang ipon,” dagdag niya.

Ulat ni Roy Tomandao

Post a Comment

0 Comments