SENADOR BATO DELA ROSA, DINISARMAHAN NA NG PNP; 26 BARIL NAKA-KUSTODIYA NA NG PULISYA


SENADOR BATO DELA ROSA, DINISARMAHAN NA NG PNP; 26 BARIL NAKA-KUSTODIYA NA NG PULISYA
Ni Roy Tomandao
CAMP CRAME, Quezon City – Umabot na sa kabuuang 26 na baril ang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) matapos boluntaryong isuko ang karagdagang anim na firearms na nakarehistro kay Senador Ronald 'Bato' Dela Rosa kasunod ng pagbawi sa kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at firearm registrations.
Ayon sa PNP, isinagawa ang turnover noong Hunyo 22 sa tahanan ng senador sa Silang, Cavite sa pamamagitan ng mga tauhan ng Firearms and Explosives Office (FEO) at Regional Civil Security Unit 4A, katuwang ang lokal na pulisya. Tinanggap ang mga armas mula sa legal na kinatawan ng senador para sa pansamantalang pangangalaga alinsunod sa umiiral na proseso ng batas.
Nauna nang naisuko ang 20 baril noong Hunyo 11, dahilan upang umabot sa 26 ang kabuuang bilang ng mga armas na nasa kustodiya na ng PNP. Gayunman, nasa 117 firearms ang saklaw ng revocation order na nakapangalan sa senador.
Ipinaliwanag ng PNP na bahagi ito ng pagpapatupad ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Binigyang-diin ng ahensya na ang hakbang ay isinasagawa nang patas at naaayon sa due process, bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa mas mahigpit at responsableng pagpapatupad ng mga batas hinggil sa pagmamay-ari ng baril.
Sinabi ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na mananatiling propesyonal at makatarungan ang PNP sa lahat ng operasyon nito. Aniya, patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato alinsunod sa batas habang iginagalang ang karapatan ng lahat ng sangkot.
Sa kabila ng mataas na katungkulan ni Dela Rosa bilang senador at dating pinuno ng pambansang pulisya, ipinakita ng PNP na walang sinuman ang higit sa batas. Ang patuloy na pagsuko ng mga armas ay sumasalamin sa mahigpit na pagpapatupad ng regulasyon sa firearms at sa adhikain ng pamahalaan na palakasin ang pananagutan, propesyonalismo, at tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.

Post a Comment

0 Comments