Kumpleto na ang 30 Akay ni Gob Botika sa Laguna, Mahigit 53,800 ang Benepisyaryo

Kumpleto na ang 30 Akay ni Gob Botika sa Laguna, Mahigit 53,800 ang Benepisyaryo

LAGUNA-Pinalalawak ang akses sa libreng gamutan sa pangunguna ng Pamahalaan Panlalawigan ng Laguna sa ilalim ni Governor Sol Aragones, matapos makumpleto ang lahat ng 30 Akay ni Gob Botika sa 24 munisipalidad at anim na lungsod nitong Marso 30, 2026. Mahigit 53,800 Lagunense na ang naitalang benepisyaryo sa buong lalawigan. Isa itong mahalagang hakbang upang matugunan ang tumataas na gastos sa maintenance na gamot at mas mailapit ang kinakailangang lunas sa mas maraming Lagunense sa pamamagitan ng maayos at organisadong sistema ng pamamahagi.

Ang ganap nang naitatag na mga botika, sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office at health team ng Laguna kasama si Laguna Health Consultant Dr. Eric Tayag, ay patuloy na tumutulong sa libu-libong indibidwal na may mga karamdaman na nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan. Kabilang sa mga ibinibigay na gamot ang Losartan, Amlodipine, Metformin, Simvastatin, B-Complex, at Clopidogrel. Sa tuluyang pagkumpleto ng programa, mas maraming pamilya ang natutulungan na mapanatili ang kanilang gamutan nang hindi mabigatan sa gastusin.

Binigyang-diin ni Governor Aragones ang patuloy na layunin ng programa para sa kapakanan ng mamamayan. “Hanggang Governor si Sol, libre po ang maintenance na gamot ninyo,” aniya. Ipinaalala rin niya ang tamang proseso sa pagkuha ng gamot. “Huwag kakalimutan ang inyong reseta at ang inyong mga booklet sa tuwing kayo po ay kukuha ng inyong gamot,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ng mga benepisyaryo ang kanilang pasasalamat at suporta sa programa dahil sa malaking tulong nito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. “Natutuwa po ako nung nalaman ko na may libreng maintenance na po ng gamot. Sabi ko po ay hindi po sayang ang boto ko kay Gob Sol,” pahayag ng isang benepisyaryo mula sa Pakil, Laguna.

Sa ganap na operasyon ng lahat ng 30 Akay ni Gob Botika, patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaan Panlalawigan ng Laguna ang layunin nitong mapabuti ang kalusugan ng mamamayan, mapagaan ang gastusin ng bawat pamilya, at maitaguyod ang mas maayos na kalagayan ng mga komunidad sa buong lalawigan.