"MUNICIPAL AFFAIRS, GAMES AND AMUSEMENT RESOLUTION ADOPTING DILG MEMORANDUM CIRCULAR NO. 2024-109: TRADISYUNAL NA PAGSASABONG SA LAGUNA, IBABALIK NA!": BOKAL ARVIN L. MANGUIAT
LAGUNA --Isinulong ni Arvin L. Manguiat, Chairperson ng Committee on Municipal Affairs, Games and Amusement ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna, ang isang resolusyon na nag-a-adopt ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2024-109 kaugnay ng operasyon ng mga sabungan at pagsasagawa ng cockfighting activities sa lalawigan.
Sa ginanap na regular session noong Pebrero 24, inihain ni Manguiat ang resolusyon na naglalayong ipatupad ang direktiba ng DILG sa lahat ng Provincial Governor, City at Municipal Mayors, mga Punong Barangay, DILG Regional, Provincial at City Directors, Municipal Local Government Operations Officers, at maging sa Philippine National Police (PNP) at iba pang kinauukulang ahensya.
Ang Memorandum Circular No. 2024-109 ay naglalaman ng mga paalala hinggil sa maayos at legal na operasyon ng mga cockpit arenas, kabilang ang mahigpit na pagpapatupad ng nationwide prohibition ng e-sabong.
Bahagi rin nito ang pag-uutos sa lahat ng component cities at municipalities sa Laguna na tiyaking sumusunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Layunin ng resolusyon ang pagbabalik ng tradisyunal na pagsasabong sa Lalawigan ng Laguna sa ilalim ng malinaw at istriktong regulasyon. Ayon kay Manguiat, mahalagang matiyak na ang anumang operasyon ay alinsunod sa batas at may sapat na pangangasiwa mula sa lokal na pamahalaan at law enforcement agencies.
Bilang Chairperson ng Municipal Affairs at Games and Amusement, iginiit ni Manguiat na ang hakbang na ito ay hindi lamang tungkol sa tradisyon kundi pati na rin sa responsableng pamamahala.
Aniya, may kabuhayan at dagdag kita para sa mga lokal na pamahalaan ang legal na operasyon ng sabong kung ito ay maayos na naipatutupad.
“Tradisyon na may disiplina. Operasyon na may pananagutan.” Ito ang naging diin ng opisyal, kasabay ng panawagan sa lahat ng LGUs sa Laguna na mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin ng DILG upang masiguro ang kaayusan, transparency, at pagsunod sa batas.