GOV. SOL ARAGONES NAGHATID NG REGALO AT PAG-ASA SA MGA PDL SA LAGUNA PROVINCIAL JAIL

GOV. SOL ARAGONES NAGHATID NG REGALO AT PAG-ASA SA MGA PDL SA LAGUNA PROVINCIAL JAIL

LAGUNA --Bumisita si Governor Sol Aragones sa Laguna Provincial Jail ngayong Disyembre 9, 2025 upang maghatid ng pamaskong regalo at mensaheng puno ng pag-asa para sa Persons Deprived of Liberty (PDLs). Layunin ng gobernador na iparamdam na hindi sila nakakalimutan ngayong panahon ng kapaskuhan at na patuloy na umiiral ang malasakit at dignidad sa pamamahala ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Gov. Sol ang mga PDL na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na sumuong sa landas ng pagbabago. Ayon sa kanya, “May pag-asa pa na magbago tayo. Tanawin ang bukas ng may pag-asa. Kakapit tayo para sa ating pamilya.” Nagpasalamat din siya sa mga grupong relihiyoso at mga boluntaryong nagbibigay ng espiritual na suporta na aniya’y mahalaga sa proseso ng paghilom at pagbabagong-buhay ng mga PDL.
Pinuri rin ni Governor Aragones si Provincial Warden Miggy Ravena sa mahusay na pamumuno at mga programang nagbibigay-lakas ng loob at pag-asa sa mga nakakulong. “Ang husay ng ating provincial warden,” aniya, bilang pagkilala sa mga inisyatibong naglalayong pagandahin ang kalagayan sa loob ng pasilidad.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng paggalang sa batas at tiniyak na nananatiling ligtas, makatao, at maayos ang operasyon ng Laguna Provincial Jail. Hinikayat niya ang mga PDL na panatilihin ang kapayapaan at pagkakaisa upang maging maayos at ligtas ang samahan sa loob ng kulungan.

Bago matapos ang programa, binati ni Gov. Sol ang pasilidad sa mga natanggap nitong parangal tulad ng “Most Outstanding Provincial Jail,” “Best Conjugal Room,” “Visitor-Friendly Jail,” at “Outstanding Personnel Awardee.” Ipinahayag naman ni Warden Miggy Ravena ang kanyang pagmamalaki sa mga tagumpay ng jail facility at sinabing, “Importante, makatao tayo.”
Ang pagbisita ni Governor Sol Aragones ay nagsilbing paalala na kahit nasa loob ng piitan, may puwang pa rin para sa tunay na pagbabago, malasakit, at pag-asa — isang mensahe na sumasalamin sa adhikain ng pamahalaang panlalawigan na itaguyod at pahalagahan ang bawat mamamayan.
Ulat ni Roy Tomandao 

Post a Comment

0 Comments