LAGUNA,- Kinumpirma ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)–Sta. Cruz na ang walang patid na pag-ulan ang pangunahing sanhi ng pagguho ng lupa sa Barangay Rizal, Pakil noong Nobyembre 21, 2025.
Ito ay batay sa spot report na pirmado ni CENRO Isagani G. Amatorio, matapos magsagawa ng beripikasyon ang Enforcement and Monitoring Section kasunod ng pagkalat sa social media ng ulat ng landslide.
Ayon sa initial investigation, naganap ang pagguho sa loob ng Lot Nos. 9466 at 9945 sa Barangay Rizal. Ikinuwento ng ilang residente na isang isolated na bahagi lamang ng lupa ang gumuho at napaliligiran ito ng matatayog na puno, dahilan upang manatiling matatag ang kalapit na bahagi ng kabundukan. Wala ring naitalang bahay na naapektuhan.
Nilinaw ng CENRO na walang nakitang anumang ongoing cutting activity sa mga upper portions ng lugar. Bilang agarang hakbang, inatasan ng Municipal LGU ang mga residente sa loob ng 100 hanggang 150 metrong radius ng hazard zone na magsilikas para sa kanilang kaligtasan.
Naglagay din ng warning line malapit sa gumuhong bahagi upang maiwasan ang paglapit sa danger zone, habang inihahanda ang paglalagay ng karagdagang information signage para sa publiko.
Dagdag pa ng CENRO, magbibigay ng technical assistance ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa susunod na linggo upang masuri pa ang kondisyon ng lupa at panganib sa lugar.
Sa paunang obserbasyon, sinabi ni Amatorio na ang pagguho ay “maaaring dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakaraang buwan na nagpalambot sa katatagan ng lupa.”
Inaasahang maglalabas ang CENRO ng mas detalyadong ulat matapos ang kanilang paunang pagsusuri.
Ulat ni: Roy Tomandao
0 Comments