Sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang K-12 education program ng pamahalaan ay malinaw na halimbawa ng magandang ideyang nawala sa focus at hindi nakamit ang tunay na layunin.
Sa pinakabagong episode ng kanyang vlog na “CIA 365 with Kuya Alan,” ipinaliwanag ni Cayetano na nagsimula ang K-12 sa magandang pananaw ngunit kinulang sa pondo at maayos na pagpapatupad.
“Maganda ang intensyon, maganda ang K-12. Pero ang problema, hindi pinondohan ng husto ng gobyerno,” aniya.
Ayon kay Cayetano, isa siya noon sa mga tumutol sa pagpapatupad ng K-12 dahil alam niyang hindi pa kayang pondohan ito nang maayos ng gobyerno.
“I was saying we can’t afford it, but of course now na may flood control scandal, we can see nariyan ang pera, ang problema napupunta sa corruption,” sabi niya.
Binanggit din niya na dahil sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan, maraming paaralan ang napipilitang magpatakbo ng dalawang shift, na nakaaapekto sa kalidad ng pag-aaral ng mga estudyante.
“Sa highly urbanized cities, more than 2,000 schools na ang two shifts. K-12 ka nga, half day ka naman,” ayon kay Cayetano.
Dagdag pa niya, kahit maganda ang layunin ng mga reporma sa edukasyon, mabibigo pa rin ito kapag naliligaw sa tunay na direksyon.
“Ang ganda ng objective, pero hindi makafocus. Walang masamang proposal sa education, pero kung hindi fully funded, hindi maaabot ang target,” sabi ng senador.
Hinimok ni Cayetano ang mga ahensya ng gobyerno na muling ituon ang pansin sa resulta, tiyaking sapat ang pondo, at ibalik ang mga reporma sa orihinal na layunin ng mga ito.
Binigyang diin din niya na ang laban sa korapsyon ay hindi lang dapat nakasentro sa mga polisiya kundi dapat magsimula sa sariling pagpapahalaga.
“Lahat naman ng pwedeng idagdag sa anti-corruption [drive,] gagawin. Ang problema ay y’ung values. Kailangan maging core value natin ang integrity at honesty,” wika ni Cayetano.
Ang “CIA 365 with Kuya Alan” ay ang daily vlog ng senador kung saan tinatalakay niya ang mga isyung panlipunan gamit ang mga aral na nakabatay sa biblical principles.
By:Roy Tomandao
0 Comments